Advertisers
Sa kauna-unahang pagkakataon hindi natin magagawa ang taon-taon na pagdalaw sa mga puntod ng mga namayapang mahal sa buhay tuwing November 1 o 2. Dahil nasa kalagitnaan pa rin tayo ng epidemyang dala ng nakamamatay na virus na COVID-19.
Ito rin kasi ang iniuutos ng pamahalaan base sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na isasara ang lahat ng sementeryo at iba pang uri ng mga libingan kabilang ang mga columbarium mula October 29 hanggang November 4, 2020.
Alam nating lahat na sa panahon ng tinatawag na Undas, ang lahat ay nagtitipon-tipon sa mga libingan upang alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na namayapa na.
Alam din nating lahat, na ang panganib ng virus na COVID-19 ay lalong kumakalat sa pamamagitan ng mga pagtitipon-tipon ng mga tao lalo na kung may sumaling may virus na pala. Kaya nga agarang pinagbawalan tayo ng pamahalaan noong kalagitnaan ng Marso pa lamang, na lumabas sa ating mga tahanan upang mapigil ang pagkakahawa-hawa ng virus.
Sinara ang lahat ng lugar na pwedeng pagtipunan ng mga tao, kasama ang mga pampublikong sasakyan, mga mall at maging sa mga simbahan.
Kapag Undas, sa iisang nitso na lang halimbawa, ang lahat ng mahal sa buhay ng nakahimlay doon, maging ang mga kamag-anak ay pihadong dadalaw. Eh lalo na sa mga musuleyo ng mga mayayaman, maging kaibigan ay nadalaw sa namatay.
Kaya ipinapayo ng Malakanyang, gawin na ang mga pagdalaw, o paggunita sa ating mga yumao ng maaga o pagkatapos ng mga araw na itinakdang isara ang mga libingan ng ating pamahalaan.
Sa ganito raw paraan ay maiiwasan ang malaking bilang ng tao na magtitipon-tipon sa mga sementeryo. Oo nga pala, sa inyong mga pagdalaw ng maaga, maging handa rin sa itinatakdang 30 porsiyento lamang ang papayagang makapasok sa mga libingan. Kaya kung dumating kayo at pasok na sa bilang ng kapasidad ng sementeryo ang mga taong naroon, ay hindi na rin kayo papapasukin.
Siyempre ang mga health protocol na ipinatutupad sa bawat indibidwal gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield at pag-obserba ng isang metrong distansiya sa pagitan ng mga katabi ay laging dapat na ginagawa.
Kaya gumawa na ng maagang pagpaplano sa pagdalaw sa ating mga namayapa na mga mahal sa buhay. Huwag na nating antayin pa na sila ang dadalaw sa atin.