Advertisers
KALABOSO ang isang pulis nang matakasan ng inmate ng Manila Police District-Station 11 sa dahilang kailangang dalhin sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Isinailalim sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office ang miyembro ng MPD-Station 11 na si P/Staff Sgt. Warren Castillo, 44, sa paglabag sa Article 223 ng Revised Penal Code (Conniving with or Consenting to Evasion) sa reklamong inihain ni P/Lt. Conrado Punzalan, Jr.
Sa rekord ng MPD-General Assignment and Investigation Section, Setyembre 24 , 4:32 ng madaling araw nang kunin sa jail facility ng istasyon ni Castillo ang person under police custody (PUPC) na si Dexter Barrera na nakulong Hunyo 13, 2020 sa kasong Abduction in relation to RA 7610 (Child Abuse).
Sa oras na iyon naka-duty si P/Corporal David Nagnot na patapos na ang duty bilang night shift jailer, habang si Castillo naman ay panghapon ang duty.
Ikinatwiran ni Castillo na kailangan niyang dalhin at eskortan si Barrera papunta sa NCRPO at ibabalik din kinahapunan.
Nang tawagan si Castillo, sinabi nito na nakatakas ang inmate.
Biyernes ng hapon nang arestuhin si Castillo dahil sa kabiguan na maibalik ang preso.
Nabatid na may mahigit 200 preso ang Meisic Police Station.
Napag-alaman, na nangako umano ang nakatakas na inmate ng halagang P300,000 sa pulis kapalit ng pagtakas.
Sa kasalukuyan, nakapiit sa MPD-GAIS si Castillo sa akusasyon na nakipagsabwatan para patakasin si Barrera dahil wala namang opisyal na order para dalhin si Gonzales sa Camp Bagong Diwa, sa Bicutan noong Setyembre 24, 2020.(Andi Garcia)