Advertisers
UMAPELA si Sen. Bong Go sa lahat ng learning institution, partikular sa mga guro na huwag silang magbabagsak ng mga estudyante ngayong school year sa pagsasabing mas mahalaga na matuto ang mga mag-aaral, lalo’t may kinakaharap na krisis ang bansa dulot ng pandemya.
Kaugnay nito, bilang Senate Finance Committee vice chair ay suportado ni Go ang budget proposal ng Department of Education.
Sa kanyang manifestation, nanawagan siya sa mga paaralan at iba pang educational institutions na sundin ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala munang face-to-face classes hanggang wala pang bakuna laban sa COVID-19 sa bansa.
Idiniin din niya ang kahalagahan ng pagtitiyak sa health and safety ng mga mag-aaral, maging ng mga guro lalo’t patuloy ang pagkalat ng nakahahawang COVID-19.
“Let us not pressure our children learners, if possible, huwag po muna natin silang ibagsak dahil talagang ‘yung iba po ay pressured,” ani Go.
Tinukoy ng mambabatas ang tungkol sa isasagawang klase sa pamamagitan ng online, kung saan ay maraming estudyante ang namumroblema dahil walang magagamit na gadget at walang internet connection sa bahay.
Sinabi ng senador na minsan ay pumupunta po sa bundok makakuha lang ng signal kaya hindi nakakasagot dahil walang signal.
Dahil dito, nanawagan din siya sa mga private internet provider na ayusin ang kanilang serbisyo.
“Ako nga rin po… hirap din po sa paghanap ng signal para sa internet. Minsan kinakailangan pang lumabas ng bahay para gumanda or umayos ang koneksyon, ito po sana ang iniiwasan natin para sa ating mga kabataan na lumabas pa at doon po posibleng makakakuha sila ng sakit kapag sila ay lumabas na,” aniya.
Iginiit din niya sa DepEd at concerned authorities na gumawa ng mga hakbang para maisaayos ang digital educational system habang hindi pa pinapayagan ang face-to-face classes.
Sa October 5 ay pormal nang sisimulan ng DepEd ang blended learning techniques nito para sa mga estudyante sa pampublikong paaralan.
Pinuri niya ang DepEd sa pagkilala sa masamang hatid ng pandemya at sa ginagawa nitong mga paraan para matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante sa darating na pasukan. (PFT Team)