Advertisers
PARA mabigyan ng seguridad ang mga mamimili sa paligid ng Divisoria nilagyan ng mga CCTV camera at public address speaker ng Manila Police District (MPD) sa naturang lugar.
Sinabi ni MPD Dagupan outpost Chief PSMS Gerardo Tubera, na nasa labing-anim na CCTV camera ang inilagay sa kahabaan ng Recto Avenue mula Dagupan street hanggang Elcano street na 24/7 magbabantay sa nasabing lugar lalo na laban sa mga masasamang loob.
Sa ulat, inihandog ang mga nasabing CCTV camera ng Manila Chinese and Action Team (MCAT) na binubuo ng mga negosyanteng Filipino-Chinese na nagbibigay suporta sa kapulisan at sa lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila.
Ayon naman sa tagapagsalita ng MCAT na si Dr. Robert Sy, simula pa lamang ng pandemya, nagbibigay na ng suporta ang MCAT sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno Domagoso kung saan kabilang na dito ang saku-sakong bigas at 200 wheel chair.
Ayon pa kay Tubera, kinabitan din ng 7 public address speaker (trompa) ang paligid ng Divisoria upang magbigay paalala sa publiko lalo na sa pagpapatupad ng health protocols tulad ng pagsusuot ng facemask, pagpapanatili ng physical distance at sa tamang tawiran. (Jocelyn Domenden)