Advertisers
TINATALAKAY na ng Kongreso ang panukalang panukalang budget ng 2021. Marahil ito ang ibig ni ispiker Alan Cayetano dahil sa Noviembre lilisanin na niya ang liderato ng Kamara de Representante upang tuparin ang kasunduan nila ni Kin. Lord Allan Velasco.
Ibig ni Cayetano na maipasa muna ang pambansang budget nga 2021, upang magkaroon ito ng legasiya sa kanyang termino bilang puno ng Tongreso. Subalit, itinakda ni Cayetano, bilang kondisyon sa kanyang pagbaba na kailangan ipakita ni Velasco ang bilang ng mga kaalyado na magluluklok sa kanya sa mataas na posisyon sa kapulungan o bilang bagong ispiker, Ngunit wala ang kundisyon ni Cayetano sa unang kasunduan.
Dahil ang kasalukuyang pinag-uusapan ay pera hindi nito itulak ang kasalukuyang kaayusan dahil sinisiguro ng bawat isang Tonggresman na makukuha ang pondong Pork Barrel na talagang magpapasaya sa kanila at sa kanilang bulsa.
Kaya pala hanggang kinsenas ang hingi ni Cayetano dahil ibibigay naman hanggang katapusan, kasama lahat ng bonus. Samantala, ang pangarap ng Bilasko’y mauunsiyame… nadenggoy ka, hahaha …Buwissit.
Sa pagpasa ng panukalang budget na mahigit na P4.5 trilyon, kalakip ang pagbabalangkas ng mga buwis na ipapataw sa bayan na siyang pag kukunan ng pondo para sa panukalang budget na ihinahain sa Kamara. Ang mga pangyayari sa Kamara’y lilikha ng “domino effect” kung saan nakaamba na ang mga panukalang buwis na papasanin ni Juan Pasan Krus.
Sa kasalukuyan makikitang inilalatag na ang iba’t – ibang panukalang buwissit na ihahain upang pagkuhanan ng budget para sa 2021. Papasanin ni Juan Pasan Krus ang bigat sa mga babayarang buwis habang ang mga kongresista’y nag-aagawan sa perang hindi naman nailalaan ng maayos para sa tao.
Ang mahirap pa nito’y hindi malinaw kung saan-saang proyekto ang ipinaglalaan ang mga pondo na hindi naman nararamdam o nakikita ng taong bayan.
Sa pagbagsak ng ilang industriya at pagkalagas ng maraming obrero na regular na binbawasan ng buwis, malinaw na ang sambayanan pa rin ang siyang babalikat ng mga pasanin na nilikha ng pandemya at ni Totoy Kulambo. Mararamdaman ang kawalan ng plano ng pamahalaan sa pabago-bagong polisiya na magdadagdag ng bayarin ng mga Filipino.
Mula sa mga bagong buwis na ipapataw hangang sa paglikha ng mga karagdagang bayarin para lamang maipasok sa pamahalaan. Hindi palalagpasin ng pamahalaan ni Totoy Kulambo ang lahat ng uri ng buwissit upang makapangalap ng pondo.
Maging ang mga industriyang maugong ngayong pandemya at ang mga bagong teknolohiya, huwag pakampante, sapagkat aabutin kayo ng mga buwissit na ipapatong sa inyo. Depensa ng pamahalaan: kailangan ito dahil mahalagang pondohan ang mga proyektong bayan upang pagalawin ang ekonomiya ng bansa. Ang panukalang budget ang siyang blueprint sa pagbabalik ng sigla ng ating kabuhayan. Talaga lang ha?
Silipin natin ang ilang industriya na maaring pagkunan ng buwis. Ngayon, mainit sa mata ng mga kongresista ang Netflix at mga tulad nito, ang mga online seller tulad ng Lazada, Shoppee at iba pa. Sa totoo lang noon pang Hulyo, binubuwisan na ang mga ito.
Ang masakit, mukhang minamataan din ang pagbubuwis sa mga tagahatid o courier ng mga produkto ng mga ito. Habang patuloy si Juan Pasan Krus sa paggawa ng paraan upang may makain, eto nagbabalak ang pamahalaan na buwisan ang mga obrerong arawan na aagaw pa sa kanilang kita para sa kaunting pagkain sa kanilang hapag.
Halatang hilong talilong ang pamahalaang ito sa pangangalap ng mga salaping makukurakot este popondo sa mga proyekto nito.
Pangalawa, sinisilip ang pagbibigay o pagpataw ng lisensya at rehistro para sa mga gumagamit ng scooter at bisekleta. Ika nila para raw maproteksyunan ang mga may-ari at mailigtas sa mga masasamang elemento sa kalye na puwedeng umagaw nito. Parang totoo ha, o’ kahit ano lang basta pumasok ang pondo sa pamahalaan.
Pero huwag naman kalimutan ng DoF / BIR na buwisan ang mga POGO at mga Tsekwang nagtratrabaho dito. Isama na rin ang ilan pang mga pasugalan at ang mga online betting. Malaki ang mga buwis ng mga industriyang ito na kailangan kolektahin. Sa totoo lang, bilyong piso pa ang utang ng mga POGO kay Mang Juan Pasan Krus na hanggang ngayon hindi pa nasisingil.
Panghuli, sa mga politiko, bawas-bawasan ninyo o kung maari alisin ninyo muna ang mga tong-pats sa mga proyekto at ibigay ng buo sa mga Filipino. Sa ilalim ng sakripisyong ito malinaw ang pakinabang at mas mabilis na pagkabangon ng ating bansa. Isantabi niyo muna yung para kay Edi at Pati upang makita ni Juan Pasan Krus at ng ibang lahi na ang mga politikong Filipino’y tunay na para sa serbisyong bayan.
Kaya lang mukhang suntok sa buwan ang ganito dahil halos magsabunutan o magsuntukan sila doon sa Kamara dahil sa pera. Sa mga kurakot sa pamahalaan, magbuwis din kayo para may makurakot pa kayo, mga buwissit kayo, nan niyo.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com