Advertisers

Advertisers

‘WAG NG MAG-LAST MINUTE, DUMALAW NA SA SEMENTERYO – ISKO

0 323

Advertisers

BUNGA ng pagsasara ng lahat ng publiko at pribadong sementeryo at kolumbaryo sa Undas na magsisimula sa October 31 at magtatapos sa Nov. 3 ay muling hinikayat ni Manila Mayor Isko Moreno ang lahat na dalawin na ang puntod ng kanilang mahal sa buhay upang maiwasang magahol sa oras.

Sinabi ni Moreno na ginawa na niya noong unang linggo ng buwan ng Setyembre ang panawagan upang maiwasan ang pagdagsa ng tao sa sementeryo bago pa dumating ang itinakdang pagsasara nito sa Undas.

Ang hakbang na ito ni Moreno na ginaya at pinamarisan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay layong maiwasan ang pagkukumpulan at siksikan ng mga tao sa iisang lugar na maglalagay sa publiko sa peligro na magkahawahan ng coronavirus.



Ayon pa kay Moreno, ang pagsasabukas pa ng planong pagbisita sa sementeryo at kolumbaryo ay maaring magresulta sa tuluyang hindi makadalaw sa mahal sa buhay dahil lilimitahan na ang dami ng bilang na papapasukin sa sementeryo habang papalapit na ang araw ng pagsasara nito bilang pagtugon sa health protocols.

Binigyang diin pa ng alkalde na ang layunin sa pansamantalang pagsasara ng mga sementeryo at kolumbaryo ay hindi makakamit kung magdadagsaan din ang mga tao sa mga huling araw ng Oktubre.

Ayon sa Manila North Cemetery director Roselle Castaneda, mayroong 105,837 nitso sa loob ng sementeryo at umaabot ng 1.5 million sa minimum ang dumadalaw dito tuwing Undas.Samantala sa Manila South Cemetery, sinabi ng direktor nito na si Jess Payad na may 39,228 nitso sa loob nito at nasa 800,000 ang mga bisita tuwing Pista ng Patay.

Sinabi ng alkalde na ang kanyang utos na pansamantalang isara sa publiko ang mga publiko at pribadong sementeryo at kolumbaryo sa panahon ng Undas ay makakansela lamang kung ang kaso ng coronavirus sa lungsod ay zero na at mayroon ng available na bakuna kontra covid sa bansa.

Ito ang pahayag ni Moreno kasabay ng panghihikayat niya sa publiko na simulan ng dumalaw sa kanilang mahal sa buhay hanggang October 30.



“Patawarin ninyo ako kung sakaling masaktan ko ang inyong damdamin na hindi makita ang mahal sa buhay sa panahon na ‘yun (Undas) pero inaagapan namin… may mga panahon at oras na di natin kailangang magsiksikan at pumila para bumisita. Hinihingi ko ang pang-unawa ninyo..para sa kaligtasan ng lahat,” ayon dito.

“Pag bumuti ang sitwasyon sa pandemya, na-zero na, wala nang kaso pagdating ng October 31, akin pong babawiin ang EO. Kung sakali naman at dumating ang vaccine by October 30, akin rin po itong kakanselahin,” dagdag pa ng alkalde. (ANDI GARCIA)