Advertisers

Advertisers

Bong Go sa mga kritiko ng gobyerno: Tumulong na lang kayo!

0 329

Advertisers

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga kritiko at sa oposisyon na tumulong na lamang sa pagsisikap ng pamahalaan na maibangon ang mga Filipino mula sa COVID-19 pandemic kaysa maghanap ng ibubutas o ipaninira sa gobyerno.

Sa panayam sa kanya kasabay ng ginawang pamamahagi ng ayuda sa mga nasunugan sa Davao City, sinabi ni Go na ngayong panahon ng krisis dapat nagkakaisa at nagbabayanihan ang mga Filipino.

“Tama ‘yung sinabi na ‘damned if you do, damned if you don’t.’ Alam ko ‘yan, nararamdaman ko ‘yan. Kami po, ginagawa namin ang lahat para sa Filipino. Nagseserbisyo kami para sa Filipino pero may iilang tao talaga na bawat ginagawa mo para sa iyong kapwa tao, sasabihin nila mali,” sabi ni Go.



Ngunit sinabi niya na sa kabila ng kritisismo ng oposisyon, sinisikap ng administrasyong Duterte na maresolba ang sitwasyon o krisis para makarekober ang ating mga kababayan.
“Ang trabaho ng oposisyon to oppose sa trabaho ng administrasyon,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din ng mambabatas na habang naghihintay ang bansa sa availability ng bakuna laban sa COVID-19, patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng iba’t ibang hakbang para mapigil ang pagkalat ng virus at pagtiyak na makababangon ang bansa.

“Totoo ang sinabi ni Pangulong Duterte, ang COVID, di natin nakikita. Ang COVID, di natin alam kelan matatapos, totoo po ‘yun. Vaccine ang pag-asa natin sa ngayon. Pero habang nag-aantay tayo sa vaccine ay gumagawa naman po ng paraan ang gobyerno,” aniya.

Umaasa siya na ang sitwasyon sa bansa ay magbabalik sa normal hanggang patuloy rin ang mga Filipino sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad, nananatiling nakabantay at nagmamalasakit sa kapwa.

“Lahat naman po ng nasa gobyerno, sa administration, ay nagtutulungan naman po, lahat po. Alam n’yo, maawa naman tayo sa mga taong nagtatrabaho, puro batikos lang po inaabot. Kailangan ngayong panahong ito, ‘yung strong leader po na kailangan may magdidisiplina,” aniya.



Sa naturang distribusyon ng tulong sa Barangay Paciano Bangoy Hall, namahagi ang grupo ni Go ng meals, food packs, masks, face shields, financial aid, vitamins at medicines, gift cards at iba pang anyo ng ayuda.

Nagbigay din ang senador ng mga bisikleta sa piling residente bilang bahagi ng kanyang pagpo-promote sa paggamit ng alternatibong masasakyan habang may health krisis.

“Ang pagsunod ninyo sa mga patakaran ay paraan ng pakikipagbayanihan at pagmamamalasakit sa kapwa natin. Magtulungan po tayo upang malampasan ang krisis na ito,” anang senador. (PFT Team)