Advertisers
Tila yata lumalala at nagiging grabe ang mga pila ng tricycle sa Blumentrit st. sa Sta. Cruz, Manila.
Halos pamahayan na raw ito ng mga driver ng tricycle na nakabalagbag sa nasabing kalye ng 24-oras.
Magmula anila sa kanto ng Rizal Avenue hanggang sa Aurora Blvd. na malapit na sa Chinese General hospital makikita ang mga ito na para bang nabili na nila ang kalsada.
Hindi lang umano mga tricycle na di-motor ang nandito kundi pati mga padyak at mga E-trike na naka-hambalang din sa bawat kanto.
Ultimong mga side street na patungo sa Blumentrit partikular na sa palengke ay dominante raw ng mga ito.
Dagdag din daw sa abala sa mga kanto ang parking slot naman para sa mga single na motor na pawang hawak naman ng barangay.
Kung titingnan daw, lumalabas na parang normal na at balik na sa dati ang kalakaran dahil sa dami ng tao, sasakyan at pati na rin mga vendor na lumalagpas na rin sa kanilang limitasyon.
Hindi na rin daw natutupad ang mga health protocol lalo na ang social distancing dahil sa magkakatabi at walang distansiya o pagitan ang mga vendor. Natural at matic na rin siyempre na magkumpulan din ang mga namimili, di po ba?
Ang dating polisiya at mga ordinansa na istriktong pinapatupad dati ay balewala ng lahat, bakit kaya at ano dahilan….ANYARE?
Marami ang nagsasabi na hinahayaan na lang daw ang mga ito ng kapulisan at barangay na sigurado raw na inayos na, walang nakikita, walang naririnig.
Araw-araw na naman daw na kinukunan ng mga tara ang mga tricycle driver at mga vendor ng mga pulis at barangay na nakakasakop ng nasabing lugar. Bawal daw mag-pass, ilan din daw mga pulis na bukod sa tara ay humihirit pa ng isang tray na itlog, tsk tsk tsk ang kapal niyo naman.
Kung sa bagay, kailangan na rin bigyan ng break ang mga driver at mga vendor dahil sa ilan buwan din silang hindi kumikita eh nakakaawa naman.
Sana raw ay ganito ang pananaw at kaisipan ng mga pulis, barangay at iba pang mga awtoridad. Sana ay tumulong na lang at huwag ng masyadong hingan ng tara.
MGA VENDOR SA QUIAPO, DIVISORIA AT BLUMENTRIT, BALIK NA ULIT….
Balikan na naman daw ang mga vendor sa Quiapo, Divisoria at Blumentrit na kung saan sila ay magkakatabi na halos magkapalit-palit na ng mga mukha.
Walang pagitan at walang sinusunod na distansiya ang mga ito kung kaya’t balewala at di na nasusunod ang social distancing.
Wala na naman daw mga disiplina at limitasyon ang mga ito na para bang kinukunsinti ng mga awtoridad sa mga nasabing lugar.
Maging mga sasakyan anila ay hindi na naman makaraan sa mga lugar na ito dahil sa okupado na naman daw ng mga vendor ang bangketa’t kalsada.
Dalawa umanong policewoman na tomboy ang namamahala sa kalakaran partikular na ang pangongolekta ng tara araw-araw kaya’t ayos na naman ang buto-buto.
Dati-rati ay magkatuwang daw ang barangay at kapulisan lalo na sa pagpapatupad at pagpapasunod sa mga alituntunin para sa kapakanan ng mga tao o residente, di po ba?
Naganap naman daw ang tulungan at damayan ng dalawang institusyon dangan nga lang ay sa araw-araw na koleksiyon ng tara sila nag-CASHUNDO, talagang bayanihan hehehe hating kapatid naman kaya ang partihan?