Advertisers
OPTIMISTIKO ang Philippine National Women’s Baseball team na matutuloy pa rin ang kanilang paghataw sa darating na Women’s Baseball World Cup na nakatakdang pumalo sa Nobyembre 12-21 sa Tijuana, Mexico, bagama’t di pa rin nakokontrol ang mga kaso sa naturang bansa dulot ng pandemyang coronavirus disease (Covid-19) .
Marubdob pa ring nagsasanay ang Pinay batters sa timon ni national head coach Edgar “Egay” De Los Reyes sa pamamagitan ng online training programs sa ilalim ng zoom applications, kaantabay ang pag-aaral ng mga magagandang diskarte at plays, gayundin ang panonood ng iba’t ibang laro upang makakuha ng mga bagong impormasyon at kaalaman ang palabang koponan ng Pilipinas.
Gayunpaman, bukod sa pangambang posibilidad na maiurong o makansela ang biennial tournament, malaking balakid rin sa kanila ang kakulangan ng aktuwal na pagsasanay dahil sa ipinagbabawal pa rin ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) bukod pa umano rito ang kakulangan ng pondo upang madala sa isang ligtas na pasilidad ang buong koponan, kung saan maliban sa Rizal Memorial baseball ground, puntirya rin nila ang mabitbit ang Lady Batters sa University of the Philippines Los Banos sa Laguna o sa The Villagers sa Clark Field, Pampanga, kung saan ginanap ang men’s baseball event sa 2019 Southeast Asian Games noong isang taon.
“Malaki talaga ang possibility na ma-move ang World Cup this year. Inaantay lang talaga namin kung ano ang magiging decision ng aming International Federation,” pahayag ni De Los Reyes sa lingguhang TOPS: Usapang Sports On Air, Huwebes ng umaga online session katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) . “Pero ganun pa man po ay tuloy-tuloy lang ang aming pagte-training kasi if ever na ilipat ng venue ay ready pa rin kami,” dagdag ng national head coach, na tinukoy nitong maaring saluhin ng Taiwan o Japan ang nasabing prestihiyosong kumpetisyon dahil may kasaysayan ang mga bansang ito na sumasalo ng pag-oorganisa sakaling maipagpaliban ang baseball event sa orihinal na paggaganapan.
Nagawa ng dumulog ng kanilang pamunuan na Philippine Amateur Baseball Association (PABA) sa ahensya ng pampalakasan upang tulungan silang lumapit sa Task Force upang payagan silang magsimulang magsanay. Gumawa na ang mga ito ng health and safety protocols at guidelines para sa kaligtasan ng kanilang mga manlalaro’t coaches, ngunit wala pa rin umanong direktang tugon mula sa Task Force.
“Iyon pa rin po ang inaantay namin hanggang sa ngayon, that’s why we’re looking some ways para makakita ng ligtas na lugar na aming pag-eensayuhan, pero ang pinakamalaki naming problema eh ang pondo po kung paano po namin matutustusan yung paggawa ng ‘Bubble training’,” paliwanag ni De Los Reyes, na siya ring nagmamando sa National University baseball team sa UAAP.(Danny Simon)