Advertisers
LAGUNA – Isa ang patay at dalawa ang kritikal nang pagbabarilin ng naburyong na pulis sa isang birthday party sa Barangay Talangka, Sta. Maria dito sa lalawigan.
Sa ulat ni Police Capt. Eviener Boiser, hepe ng pulisya, kay Laguna PNP Provincial Director Col. Serafin Petalio II, nakilala ang nasawi na si Rommel Sollorano, 28, may asawa at negosyante; sugatan naman sina Kermiel John Velasquez alias “Ace”, 31; at John Melvin Magtibay, 27, pawang residente ng nasabing lugar.
Samantala, agad naaresto ng nagresponding mga kagawad ng Sta. Maria PNP ang salarin na si Cpl. Francis Daniel Pinion, 30, nakatalaga sa Atimonan Municipal Police Station (MPS) at residente ng Bgy. Pook ng bayang ito.
Ayon sa naantalang ulat, 10:45 ng gabi ng Sabado nang maganap ang insidente habang masayang ipinagdiriwang ang isang taon kaarawan ng anak ni Sollorano sa kanilang tirahan nang sumulpot ang lasing na pulis (Cpl. Pinion) na hindi naman imbitado sa handaan.
Sinasabing dahil sa sobrang kalasingan ng pulis, sinabihan ito ng kanyang mga ka-Barangay na umuwi na lamang sa kanila.
Umalis naman ang pulis sakay ng kanyang motorsiklo, pero nagsabi itong: “Hintayin ninyo ako, babalik ako!”
Makalipas ang ilang minuto, bumalik nga sa lugar si Cpl Pinion at agad pinagbabaril ang mga biktima gamit ng kalibre .45 pistola.
Narekober ng pulisya sa salarin ang ginamit nitong Colt 45 na baril. Kasalukuyan na itong nakapiit sa Sta. Maria PNP Custodial Cell na posibleng maharap sa kasong Murder at Double Frustrated Murder. (Dick Garay)