Advertisers
TUMAAS sa P3.5-million ang kabuuang halaga ng yaman ni Vice President Leni Robredo noong 2019, batay sa pinakabagong kopya ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Batay sa SALN copy na natanggap ng Bombo Radyo mula sa Office of the Vice President (OVP), lumalabas na P1.2-million ang nadagdag sa Net Worth ng pangalawang pangulo mula sa kanyang P2.3-million na yaman noong 2018.
Bunga ito ng nadagdagan niyang “cash on hand” na nasa P8.57-million total noong nakaraang taon. Noong 2018, P7.35-million ang halaga ng hawak na pera ng bise presidente.
Ito ang ikalawang beses na nakapagtala ng increase si VP Leni sa kanyang Net Worth mula nang siya ay umupo sa pwesto noong 2016. Magugunita na mula P1.1-million na yaman ng bise noong 2017, ay tumaas ito sa P2.3-million nang sumunod na taon.
Hindi naman nagbago ang halaga ng kanyang personal na ari-arian tulad ng mga alahas, prepaid insurance, mga kasangkapan at iba pang gamit sa bahay, at dalawang sasakyan: isang Toyota Innova at Grandia.
Nananatili ring nasa P1.735-million ang halaga ng kanyang tatlong agricultural lands, tatlong residential lots, isang orchard at memorial lot. Pati na ang halaga ng liabilities o pinagkaka-utangan ng pangalawang pangulo ay hindi rin nagbago sa P11.9-million.
Batay sa kopya ng SALN, may “payable loans” ang bise presidente na tig-P2 million sa isang Jocelyn Austria, Vicente Hao Chin Jr., Rafael Bundoc at estate of Jose Robredo. Halagang P1-million naman ang liability ni VP Leni sa isang Pablito Chua, Jose Robredo Jr., at estate of Marcelina Robredo; samantalang P750,000 sa kanyang yumaong ina na si Salvacion Gerona.
Mayroon ding shares of stock ang pangalawang pangulo sa Manila Electric Company (Meralco) na kanya raw na-acquire sa magkakaibang taon.
Kung maaalala, taong 2017 nang matapyasan ang Net Worth ni Robredo dahil sa kanyang naging gastos sa electoral protest laban sa natalong vice presidential candidate na si dating Sen. Bongbong Marcos.
Kamakailan nang maglabas ang Office of the Ombudsman ng Memorandum Circular na naglilimita sa mga maaari lang mag-request ng SALN.
Pero ayon sa OVP, kahit hawak ng anti-graft body ang kopya ng SALN ni VP Leni ay mananatili itong accessible sa mga magre-request sa kanilang tanggapan basta’t naaayon sa batas.
Noong September 17, 2020 naghain ng request ang Bombo Radyo sa OVP para makakuha ng kopya ng SALN ng bise presidente. Ipinadala naman ng naturang tanggapan ang kopya ng dokumento nitong September 22.