Advertisers
INIHAHANDA narin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang disbarment case na kanilang ihahain sa Supreme Court (SC) laban sa dalawang abogadong sangkot sa “pastillas” scam.
Kasunod narin ito ng pagsasampa ng NBI ng patong-patong na mga reklamo laban sa isang opisyal ng NBI at kapatid nitong naaresto dahil pangingikil sa ilang taong dawit sa naturang modus.
Nitong Miyerkules, nagtungo sa Department of Justice (DoJ) ang mga kinatawan ng NBI-Special Action Unit para ihain ang mga reklamo laban sa respondents na sina Atty. Joshua Capiral at nakakatandang kapatid nitong si Chistopher.
Ang magkapatid namang sinampahan ng kaso ay kapwa dumating sa DoJ na naka-posas.
Si Atty. Capiral ay pinuno ng Legal Assistance Section ng NBI, habang kapatid na si Christopher ay isang immigration officer. Nahuli sila sa entrapment operation Lunes ng gabi.
Naaktuhan ang magkapatid na tumatanggap ng malaking halaga ng pera mula sa kawani ng BI na sangkot sa pastillas scam.
Bukod dito, may iba pa umanong biktima ang dalawa na kinikikilan para maabswelto sa modus.
Kabilang sa mga isinampa laban sa magkapatid na Capiral ang robbery extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Gayundin ang paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards, at sa Executive Order 608 o ang Establishing a National Securiry Clearance System for Government Personnel with Access to Classified Matters.
Kasabay nito, isinalang sa inquest proceedings ang magkapatid na Capiral.
(Jocelyn Domenden)