Advertisers
Ombudsman, gustong buwagin na lamang ang sariling opisina dahil wala raw gustong tumestigo sa mga kaso ng katiwalian sa pamahalaan. Onli in the Pilipins ulit ito mga kabayan.
Para kang nasa presinto lamang ng pulis nang marinig mo dito si Ombudsman Samuel Martires. No witness, no case. Dahil walang magkalakas-loob na witness na humarap sa mga korap, buwagin na lang ang opisina ng Ombudsman.
Si Martires din nga pala ang nagbawal nang ipakita sa publiko ang Statement of Assets, Liabilities and Newtworth o SALN ng mga opisyal ng pamahalaan. Ang SALN na listahan ng ari-arian ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan habang sila’y nasa serbisyo ay pampublikong dokumento na hindi dapat itago. Ang hindi nga magsumite nito kada taon ay pananagutan sa batas. SALN nga ang ginamit ni SolGen Calida na inayunan ng mga justice para mapatalsik si CJ Sereno sa Korte Suprema. Bakit ngayon nagbago ng tono ang dating associate justice Martires? Dahil nagamit na ito kay Sereno at marami sa mga opisyal ngayon ay non-compliant sa SALN, kabilang na ang Pangulo?
Balikan natin ang kawawang witness na naging palusot pa ni Ombudsman Martires. Dahil wala daw maglakas-loob na witness, inutil na raw ang Ombudsman sa mga kaso. Saan daw ito kukuha ng ebidensya kung walang witness? Problema nga ito kung ang isinasampang kaso ng investigating arms mismo ng gubyerno sa Ombudsman ay walang testigo.
Ibig bang sabihin walang testigo ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kapag nagsasampa ito ng kaso laban sa katiwalian? Wala ring testigo ang National Bureau of Investigation (NBI), ang pulis, ang Senado at Kamara sa isinasagawa nilang imbestigasyon?
Kung oo ang sagot, eh ‘kaya naman pala’ ang laging reaksyon ng sambayanan. Kaya naman pala walang nangyayari sa mga kaso. Naglolokohan lang pala tayo dito.
Pero teka. Bago sumakay sa palusot na ito, magandang usisain ang kapangyarihan ng Ombudsman. Dahil isa sa kanyang kapangyarihan ay mag-imbestiga motu propio (on its own). Ibig sabihin, maari itong mag-imbestiga sa sariling pagkukusa at mangalap ng sariling ebidensya gamit ang napakalawak na kapangyarihan ng kanyang opisina. Independent body din ang Office of the Ombudsman kaya’t may kumot siya laban sa impluwensya ng mga nasa kapangyarihan.
Bakit si invisible witness pa ngayon ang nasisi kung bakit naging inutil si Ombudsman. Unawain natin na marami ay takot tumestigo laban sa mga korap na opisyal. Dahil alam ng marami na ang mga korap ay hindi lang masiba kundi marahas. Hindi lang sila magnanakaw kundi’y may kapasidad ring pumatay o magpapatay.
Subalit nagiging ganito lamang ang antas na kabangisan ng mga ito dahil taglay nila ang paniniwala na lahat ito ay kaya nilang lusutan. Dahil sila ay mayaman at makapangyarihan. Tingnan na lamang ang kaso ng mga Marcos at mga VIP na kawatan na naglipana dyan. At kung si Martires mismo ay yuyukod sa ganitong kapangyarihan, hindi ang witness ang siyang nawawala kundi mismong ang Ombudsman. Wala ngang mangyayari sa mga kaso kung ang Office of the Ombdusman ay nauna pang namatay.
Bukod sa malawak na kapangyarihan ng Office of the Ombudsman, tanungin naman natin ano ang gamit ng bilyones na intelligence fund para habulin ang mga iba’t-ibang lords at mga korap. P4.5-B ang intel fund ng Pangulo. Bukod pa dyan ang sa AFP, PNP, NBI at iba pang ahensya. May kanya-kanya itong layunin pero maaring gamitin ng mga nasa poder. Sa 2021 budget ay may panukala pa ngang bigyan ng intelligence fund ang mga barangay na nagkakahalaga ng P16-B.
Kaya huwag sabihing walang makuhang witness sa loob mismo ng mahigit sa isa at kalahating milyong kawani ng pamahalaan, kabilang ang ilang daang libong pwersa ng AFP at PNP.
Kung ang pobreng adik sa madilim na iskinita ay nakikita at nahuhuli ng mga pulis, bakit hirap na hirap hanapin ang mga magnanakaw sa magagara at maliliwanag na ‘tanggapan’ sa pamahalaan. Kung ang manggagawang dumekwat ng karne-norte dahil sa gutom ay timbog agad, bakit hindi makita ang mga nagpalusot ng droga sa Customs at operator ng POGO at pastillas sa BI?
Totoong hindi trabaho ng Ombudsman ang law enforcement. Pero lalong hindi niya tungkulin ang magpalusot.