Advertisers
SA gitna ng mga kinakaharap na pagsubok at hamon sa isinasagawang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga kababayan nating naapektuhan ng COVID-19 pandemic, muling idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang paalala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyaking laging nauuna sa iba’t ibang serbisyong panlipunan ang mga mahihirap at vulnerable sectors.
Nitong Martes, nakilahok si Go sa budget hearing ng Senate committee on finance para sa panukalang pondo ng DSWD, gayundin ng attached agencies nito sa taong 2021.
Bilang isa sa vice chair ng komite, ipinahayag ni Go ang kanyang buong pagsuporta sa panukalang badyet ng DSWD at iginiit ang kahalagahan ng ahensya sa pagsasabing ang trabaho nito ay kritikal sa pagbibigay ng serbisyo sa mga Filipino, patunay ang taunang dagdag sa pondo nito.
May panukalang badyet na P171.221 billion, umapela si Sen. Go sa mga pinuno ng DSWD at sa mga attached agencies nito na tiyaking bawat sentimo ng pondo nito ay dapat mapunta sa mas mga nangangailangan, lalo ngayong panahon ng krisis.
Pinuri niya at pinasalamatan ang DSWD sa pagsisikap nitong maipamahagi sa ating mga kababayan sa iba’t ibang sulok ng bansa ang COVID-19 cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Aminado ang senador na dahil sa patuloy na public health crisis at ipinaiiral na quarantine measures ay naging mahirap ang proseso sa pamamahagi ng cash aid.
Ngunit sa kabila ng mga hamon, sinabi ni Go na hindi ito dapat maging hadlang para magawa ng DSWD ang kanilang mandato na pansilbihan ang mahihirap at vulnerable sectors.
“Nagpapasalamat ako sa DSWD sa inyong effort na maipaabot ang tulong ng gobyerno sa mga tao sa pamamagitan ng Social Amelioration Program o ‘yung SAP habang tayo ay nasa gitna ng pandemya. Kahit medyo matagal at mahirap ang disbursement dahil sa pandemic, siguraduhin po natin na mabigyan ng prayoridad at unahin ang mga mahihirap at vulnerable sectors,” ani Go.
“Alam kong hirap po kayo sa pag-distribute kaya medyo natagalan, pero suportado namin kayo dito dahil importante po ay makarating talaga doon sa mga mahihirap na mga kababayan natin at talagang naghihirap po na kailangan ng ayuda sa panahong ito,” aniya pa.
Pinuri din niya ang mga Filipino na sa kabila ng hirap at gutom na dinaranas na dulot ng pandemic ay nagagawang maging tapat at magsauli ng pera mula sa SAP matapos makatanggap nang doble.
“At ako naman po, sa handling ninyo ng Social Amelioration Program, kahit matagal, gaya ng sinabi ko, talagang ‘yung second round ninyo po ay dapat mapunta doon sa pinaka-nangangailangan, wala pong pambili ng pagkain. Basta importante, ‘yung mga mahihirap ang makatanggap,” patuloy ng senador.
“Mayroon namang nadodoble, balita ko, may nakakatanggap ng doble. At marami naman pong Pilipino ‘yung honest at nagbalik po ng SAP dahil doble natanggap nila. Ang importante po ay ginamit nila ito pambili ng pagkain, ‘wag lang po isugal at ‘wag lang po ipambili ng droga,” dagdag niya.
Ayon sa mambabatas, patuloy niyang sinusportahan ang DSWD pero mahigpit na ipinaalala na palaging i-prioritize ang kapakanan ng ating kapwa lalo na ngayong krisis. (PFT Team)