Advertisers
ISINAILALIM sa lockdown ang OB ward ng Bulacan Medical Center (BMC) nang magpositibo sa Covid-19 ang 20 pasyente, kabilang ang ilang bantay.
Tiniyak ni Dr. Hjordis Marushka Celis na walang dapat ipag-alala ang mga kaanak ng mga pasyente dahil mahigpit namang sinusunod ang mga protokol.
Kasabay nito, isinasailalim sa swab testing ang mga buntis at ‘high risk’ upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni Dr. Celis na agad nag-stop ang admission at ini-lockdown ang OB at NICU ng ospital.
“Lahat ng nag-negative, nai-coordinate narin sa mga LGU para iku-quarantine, pwedeng sa facility o sa bahay, ang mahalaga, monitored,” pahayag ni Dr. Celis.
Samantala, muling ipinaalala ni Gob. Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng pagsunod sa mga health protocol.
Sa pinakahuling tala nitong Setyembre 21, 2020, mayroong 4,389 kumpirmadong kaso, 2,618 ang gumaling habang 90 ang namatay. (Thony Arcenal)