Advertisers

Advertisers

‘WAG MUNANG MAGPUNTA SA MANILA BAY SANDS’ – ISKO

0 309

Advertisers

PINAKIUSAPAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang publiko na ipagpaliban muna ang pagpunta sa tinaguriang “Manila Bay Sands.”

Ito ang naging tugon ni Yorme makaraang dagsain ng mga tao ang Roxas Boulevard nitong weekend para masaksihan ang parte ng Manila Bay na tinambakan ng dinurog na dolomite.

Gayunman, dahil sa pagnanais ng mga tao na makita ang lugar ay hindi na nasunod ang social distancing at iba pang health protocols.



Sa panayam kay Moreno matapos ang flag raising ceremony ngayong umaga, kanyang sinabi na alam niyang maraming nasisiyahan at nagagalak sa nangyari sa Manila Bay. Aniya, ang “imposible naging posible.”

Pero paalala ng alkalde, may pandemya pa at may pangamba o panganib sa lungsod ng Maynila dahil sa COVID-19.

Sinibak na aniya ang station commander ng Manila Police District 5 at may iba nang pinuno na pinagsabihan na rin sa dapat gawin.

Sa ngayon ay sinabi ni Moreno na gustuhin man ng mga mamamayan na makita ang Manila Bay Sands, maaaring may iba pang panahon para rito.

Pinakiusapan na rin niya ang Department of Environment and Natural Resources o DENR na bakuran na ang lugar, lalo’t may konstruksyon pang ginagawa roon.



Dagdag ni Moreno, sapat na siguro na napanood sa mga balita sa telebisyon o narinig sa radyo at social media ang ganda ng Manila Bay, kaya ipagpaliban na muna ng publiko ang anumang planong pagbisita sa Manila Bay Sands. (Andi Garcia)