Advertisers
HINIHILING ng Department of Health (DOH) sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mag-isyu ng isang executive order (EO) para sa regulasyon sa presyo ng COVID-19 swab test.
Sa isinagawang virtual press briefing, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na napansin ng DOH na iba-iba ang presyo ng swab test, lalo na sa mga laboratoryo.
May natatanggap rin aniya silang ulat na malaki ang diperensya ng halaga ng swab test sa mga laboratoryo kaysa sa mga ospital.
Kaya naman aniya nagpasya sila na magsumite ng rekomendasyon sa Office of the President upang makapaglabas ng EO para sa price ceiling sa COVID-19 swab test.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng DOH ang tugon dito ng Pangulo.
Sakali naman aniyang maaprubahan ito ay makakatulong ito upang ma-regulate na ang presyuhan ng swab tests.
Ipinaliwanag pa ni Vergeire na kaya EO ang inihihirit ng DOH ay dahil may batas nang umiiral kung saan nakasaad na ang price ceiling ay para sa mga gamot lamang ngunit hindi kasama ang diagnosis at professional fees at swab test para sa COVID-19.
Umaasa naman ang DOH na papaburan ng presidente ang kanilang rekomendasyon, lalo’t ang swab test o RT-PCR na ang karaniwang ginagamit para malaman kung may COVID-19 ang sinuman at ito ang “gold standard.”
Nabatid na sa kasalukuyan, ang swab test ay nasa pagitan ng halagang P3,500 hanggang P15,000, depende sa ospital, klinika o laboratoryo. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)