Advertisers
Maituturing na kakampi ng mga nasa sektor ng pamamahayag itong si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, dahil tinambalan niya ang isinusulong na pagsasabatas ng isang panukala na magbibigay ng proteksiyon sa lahat ng kawani ng media sa bansa.
Dahil nag-akda rin ang Senador ng Senate Bill 1820 o panukalang batas na “Media Workers’ Welfare Act” na magbibigay ng ibayong proteksiyon, seguridad sa trabaho, at iba pang kapakinabangan sa lahat ng mga media workers.
Nasabi ni Senator Sotto na kaya niya ipinasa ang panukalang batas ay kinikilala niya ang papel na ginagampanan ng media sa lipunan. At habang gumaganap sa kanilang tungkulin, nararapat lamang na bigyang pahalaga ang kontribusyon ng media sa bawat buhay ng Filipino. Dahil batid niya raw na sa pagpupursigi ng media na ipaalam ang bawat pangyayari at katotohanan ay sila pa mismo ang agrabiyado habang nagtatrabaho.
Sa kanyang panukala, nais ng senador na magkaroon ng regularisasyon sa bawat manggagawa ng sektor ng pamamahayag at kabayarang di bababa sa P500 bilang hazard pay at over time pay. At magkaroon din ang mga kawani nito ng mga insurance benefit packages.
Paliwanag ni “Tito Sen.” sa mga oras ng panganib, media pa rin ang sumusuong upang ibalita ang pangyayari at kadahilanan sa likod nito. Gaya aniya nitong pandemic dahil sa COVID-19, inaalis ng mga mamamahayag ang kanilang takot na mahawaan ng nakamamatay na virus maiparating lamang sa bayan ang dala nitong panganib sa bawat Filipino.
Nararapat lamang aniya, na masuklian ang mga ganitong katapangan at paghihirap na ipinakikita ng mga taga-media, sa pagbibigay ng tama at sapat na kumpensasyon sa kanilang pagganap ng kanilang tungkulin.
May kasama ring mga pag-iingat ang panukala ng senador, gaya ng tinatawag na “solidarity liable”, na siyang magsasama sa mga may-ari o mga amo ng mamamahayag kung sumablay naman ang mga ito sa kanilang pagbabalita. Damay din ang kanilang prangkisa, halimbawa, kung ito ay makakagawa ng kamalian sa pagbabalita.
Ngunit inaatasan din,kung sakaling maisabatas ang panukala ni Tito Sen, ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mangasiwa sa pagtatatag ng New Media Tripartite Council na magsisilbing tulay sa lahat ng bahagi ng sektor ng media. Ito ang mangunguna sa pagtawag sa lahat ng bahagi ng media sector upang talakayin ang mga polisiya na makakabuti sa kanilang industriya at sa bayan.
Mahusay na kakampi ang nakuha ng media sa Senado, nakakasiguro na ko na malapit na nating makamit ang mga inaasam-asam na kasiguruhan habang tinutupad natin o ginagawa ang ating mga tungkulin sa pagbabalita. Dahil ang kaduweto nito sa Kamara na nagsusulong din ng kahalintulad na panukalang batas ay malapit na sa kanilang katuparang maisabatas ito bunga ng mga diskusyon na aabot na sa third reading o pinal na pagtalakay para maging batas ito.
Konting dasal pa at maaabot na natin ang tagumpay, mga kabaro ko.