Advertisers
MULING nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kapwa senador at mga nasa pamahalaan na tulungan siyang maisabatas ang kanyang isinusulong na Senate Bill 203, mas kilala bilang National Housing Development, Production and Financing (NHDPF) Act of 2019 na magbebenepisyo sa mahihirap at walang permanenteng tirahan nating mga kababayan.
Ginawa ni Go ang panawagan kasabay ng pamamahagi ng kanyang opisina ng iba’t ibang tulong sa mga nasunugang pamilya sa Talisay City, Cebu.
“Nananawagan ako sa aking mga kasamahan sa gobyerno na ipasa na natin ang National Housing Bill para sa ating mga kababayang mahihirap, tulad ng ating mga kababayan na nawalan din ng bahay ngayon dahil sa sunog,” ani Go.
“Tulungan natin ang bawat Pilipino na magkaroon ng maayos na bahay, komportable at hindi na magsiksikan sa mga malalaking syudad tulad ng Maynila. Panahon na para wala nang squatter sa sariling bayan,” dagdag ng senador.
Layon ng kanyang SB 203 na ma-institutionalize ang programang tutugon sa pabahay para sa Filipino at malaanan ng sapat na pondo ang mga housing project ng gobyerno.
“Gusto na nating palaguin ang mga probinsya. Kapag mabigyan natin ng pagkakataon ang mga Pilipino na magkaroon ng sarili nilang bahay lalo na sa mga probinsya, gugustuhin na rin nilang umuwi,“ sabi ni Go.
Nagtungo ang grupo ni Sen. Go para magbigay ng ayuda sa dalawang barangay sa Talisay City, Cebu na naapektuhan ng sunog.
May 422 indibidwal na bumubuo sa 121 pamilya sa Barangay Tangke at 32 pamilya o 152 indibidwal naman sa Barangay Cansojong ang tinulungan ni Go.
Sa ilallim ng strict health protocols, nagbigay ang grupo ni Go ng food packs, masks, face shields, cash assistance at tanghalian sa fire victims.
Namahagi rin sila ng mga gamot, bitamina at bisikleta sa mas nangangailangan para magamit sa pagpasok sa trabaho.
Nagpayo ang senador sa pamamagitan ng video call sa mga residente na palaging magsuot ng face masks at sundin ang health protocols para makaiwas sa coronavirus disease (COVID-19).
“Sumunod lang tayo sa utos ng gobyerno na mag-social distancing, suot ng mask, maghugas ng kamay at kung hindi kailangan, ‘wag na muna lumabas ng bahay dahil delikado pa ang panahon,” ani Go.
Hiniling din niya sa local officials, partikular sa mga nasa barangay level, na alagaan ang huwag pabayaan ang kanilang constituents lalo ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa.
“’Wag ninyo pababayaan ang mga tao sa barangay, lalong-lalo na ang mga nasunugan dahil wala talaga ‘yan silang matatakbuhan kung ‘di kayo lamang. Mga officials sa barangay, maraming salamat, patuloy tayong magdasal at magbayanihan upang malampasan ang krisis na ito,” ani Go. (PFT Team)