Advertisers

Advertisers

BOKAL CHOLO, AMANG KUPAL SA CAVITE

0 608

Advertisers

NOON lamang nakaraang isang linggo, sa looban ng dalawang magkakasunod na araw (September 11-12) ay naglunsad ng maigting na kampanya laban sa kriminalidad ang kapulisan ng lalawigan ng Cavite.

Nagresulta ang anti-cime campaign ng mga hepe ng kapulisan ni Cavite Provincial director, P/Col. Marlon Santos sa pagkaaresto ng may 92 katao kabilang na ang retiradong pulis na naging No. 1 most wanted criminal ng naturang lalawigan, ito ay si Virgilio C. Obogme ng bayan ng Tanza.

Si Obogme ay may kasong murder, nasorpresa ito ng mga pulis sa kanyang hide-out sa Brgy. Sahod Ulan ng nasabing bayan.



Parang mga dagang hinabol ng mga pusa, walang masulingan ang mga iligalistsa sa mga syudad ng Cavite, Dasmariñas, Imus, Bacoor, General Trias,Tagaytay, at mga bayan ng Naic, GMA, Indang, Tanza, Kawit, Silang, Maragondon at Alfonso.

Ngunit kapuna-puna namang hindi kinante ng mga opisyales at kagawad ng Cavite PNP ang kontrobersyal na ilegalistang sina alias Bokal Cholo at Amang Kupal ng bayan ng Carmona.

Si Bokal Cholo ay dayuhan sa Cavite, naging milyonaryo itong pulitiko na nagkamal ng yaman dahil sa pamumuhunan sa pamimili ng nakaw na produktong petrolyo, motor oil, Liquified Petroleum Gas (LPG), molasses, edible oil at halos lahat ng nakaw na produkto na idinadaan sa Carmona,Cavite, Metro-Manila at vice versa.

Halos ilang dekada na ang operasyon ni Bokal Cholo at hayag naman ang kinaroroonan ng kuta nito sa Brgy. Bancal, sa bayan ng Carmona.

Ang katiwala nitong si Amang Kupal ang tagapamili ng nakaw na produkto mula sa kasabwat ng mga itong driver ng tanker, capsule at cargo truck na ang nagiging biktima ay ang walang kamalay-malay na mga truck operator na nagpapa-biyahe ng mga petroleum, oil product, molasses, mantika at iba pang produkto.



Si Amang Kupal din ang tagapamudmod ng intelhensya, suhol o grease money sa ilang opisyales ng pamahalaang lokal, probinsyal at kapulisan sa Cavite, sa mga tanggapan ng PNP Region 4-A sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna at hanggang sa ibat-ibang tanggapan sa PNP General Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Kalimitan na ninanakawan ng sindikatong pinamumunuan nina Bokal Cholo at Amang Kupal ang mga tanker at capsule truck na naglululan ng produkto mula sa Shell Refinery, Batangas City at maging sa mga oil depot sa Maynila at iba pang panig ng Luzon.

Hindi na nagtaka ang mga taga-Cavite nang di natinag ang operasyon ng burikian at pasingawan nina Bokal Cholo nang maglunsad nga ng kampanya laban sa mga iligalista ang hepe ng kapulisan ni Col. Santos nang nakaraang ngang isang linggo.

Nito lamang September 17-18, 2020, naglunsad na naman ng mainit na kampanyang laban sa mga iligalista at kriminal ang Cavite PNP na nagresulta sa pagkaaresto ng 114 katao.

Isang murder suspect din na kabilang sa top 16 most wanted criminal sa Regional level, si Roberto Sumagaysay Hitalla ang nadakip ng mga operatiba ni Col . Santos.

Ngunit ang nakadidismaya ang dalawang salot na sina Bokal Cholo at Amang Kupal ay lusot na naman at tuloy pa rin ang pamamayagpag ng kanilang pilferage activities, balewala ang anti-criminality campaign ni Col. Santos.

Paano ba namang hindi mapaghihinalaan na baka ang lady cop ng Carmona Municipal Police Office, si P/Maj. Diana DC Del Rosario ay namamantikaan din ang nguso gayong nasa tungki lamang ng ilong nito ang operasyon nina Bokal Cholo at Amang Kupal?

Imposible namang sa tinagal-tagal ni Del Rosario na nanunungkulan bilang hepe sa tanggapan nito sa Carmona Municipal Police Office sa Loyola Street, Brgy. Naduya ng bayan ng Carmona ay wala pa rin itong muwang sa pinaggagagawang kailegalan nina Bokal Cholo at Amang Kupal na di naman kalayuan sa kuta ng mga ito sa Brgy. Bancal?

Hindi sana totoo ang kumakalat na balita na natapalan na ang mata ni Del Rosario ng “dirty money” nina Amang Kupal at Bokal Cholo na nagpapakilala pang kumpare ni Col. Santos.

Hanggang ngayon ay di pa rin tayo makapaniwalang kayang bilhin nina Bokal Cholo at Amang Kupal ang prinsipyo ng idol nating top cop ng Cavite, Col. Santos, kaya wala itong aksyon para supilin ang operasyon ng dalawang nabanggit na economic saboteurs.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.