Advertisers
PANSAMANTALANG binuksan sa publiko ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Manila Bay beach front nitong Sabado upang masilayan at makapag-selfie sa bagong mukha nito na nilagyan ng ‘dolomite’ o ‘white sand’ kasabay ng isinagawang International Clean Up Day.
Sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu, na ipinagmamalaki nito na ang kanilang ahensya ang lead agency para sa nasabing proyekto ng adminstrasyon Duterte.
Kaya naman nagpapasalamat ito sa lahat ng mga sumusuporta sa Manila Bay rehabilitation lalo na sa paglalagay ng dolomite sand kung saan makaaakit ito ng maraming turista na maaaring makatulong naman sa paglago ng ekonomiya mula sa pandemya.
Ayon pa kay Cimatu, hiniling nito kay Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso ang pagtatayo ng dalawang modernong comfort room sa nasabing lugar at ang lumang comfort room, gagawin na lamang “souvenir shop” upang ang mga nagtitinda sa paligid ng Manila Bay hindi mawala ng pagkakakitaan.
Dagdag pa ng kalihim, ang pinakamalaking concern ngayon na ginagawa ng ahensya ang pag-uugali o behavioral change at cultural change para malaman ng mga tao ang tamang pagtatapon ng basura.
Nakiusap naman si Domagoso sa mga bumabatikos sa dolomite white sand na huwag idamay ang Maynila sa pulitika.
“Maraming salamat sa dolomite, muling napag-uusapan at na-promote ang lungsod ng Maynila,” wika ni Isko.
Pinasalamatan ng alkalde si Pangulong Rodrigo Duterte gayundin ang DENR dahil tinuldukan umano nila ang matagal nang suliranin hinggil sa basurang nakatambak sa Manila Bay na ikinibit-balikat lamang umano ng mga nagdaang administrasyon.
Nanawagan naman si Domagoso sa mga Manilenyo gayundin sa mga dadayo sa lungsod na kung darating kayong malinis sa inyong pupuntahan sa Maynila, umalis din kayo na malinis. Maging responsable aniya tayong mamayan sa ating lungsod.
Sinabi naman si DILG Usec Epimaco Densing na suportado ng kanilang ahensya ang proyekto ng DENR dahil may koneksyon sa ekonomiya ang ginagawa ng DENR..
Punto naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi nito inaasahan na makikita niya ang Manila Bay na ganun na ang itsura.
“One day Manila Bay back to each old glory,” ayon pa kay Bello.
Dumalo rin sa naturang aktibidad ang mga miyembro ng Lions Clubs International District 301-A2 Philippines sa pangunguna ni DENR District Governor Benny Antiporda, 2PMJF; MMDA Chairman General Danilo Lim, ang mga kinatawan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Tourism (DoT), National Economic and Development Authority (NEDA) at iba pang ahensya ng gobyerno.
Sinabi naman ni Antiporda na bukas ang Manila Bay sa publiko hanggang 6:00 ng hapon nitong Sabado at isasara itong muli saka muling bubuksan sa ganap na 5:00 ng umaga ng Linggo. At muling isasara para ituloy ang phase 2 ng pagsasaayos ng nasabing lugar.(Jocelyn Domenden)