Advertisers
KINASUHAN ang isang doktor at 2 nurse mula sa dalawang ospital ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pasyenteng namatay nang tanggihan ng mga ospital noong Abril.
Dead-on-arrival si Catherine Bulatao noong Abril 24 sa ikapitong ospital na kaniyang pinuntahan, kung saan halos maubusan ito ng dugo.
Naiwan kasi ang inunan sa kanyang katawan matapos manganak, at hindi siya inoperahan ng anim na ospital na nauna niyang pinuntahan.
Ayon sa imbestigasyon ng NBI, may pagkukulang ang dalawang ospital na tumanggi umano kay Bulatao. Isa na rito ang Far Eastern University – Nicanor Reyes Medical Foundation (FEU-NRMF) dahil sa paghingi umano ng pera sa pamilya Bulatao.
“May nagsabi na required na mag-deposit ng P30,000 bago i-admit. May P5,000 raw sila, pero sabi ng empleyado ipatingin muna sa pampublikong ospital. O pag nabuo ang pera, balik na lang sila,” ani NBI-NCR head agent Dante Pua.
Ayon naman sa FEU-NRMF, lagi silang nagbibigay ng medical assistance sa lahat ng emergency case at hindi sila humihingi ng down payment mula sa pasyente.
Nakitaan din ng pagkakamali ang Grace General Hospital. Bagama’t wala silang OB gyne sa emergency room noong oras na humingi ng tulong ang mga Bulatao, posible sanang nakapagtawag sila mula sa ibang departamento.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Grace General Hospital, pero naipaliwanag na raw nila ang kanilang panig sa imbestigasyon.
Hindi nakasuhan ang 4 na ibang ospital na tumanggi umano dahil lumalabas na talagang wala silang available na kama, o hindi nabigyan ng maayos na impormasyon ukol sa lagay ng pasyente.
Ayon sa ina ng biktima, dapat panagutan ng mga ospital ang nangyari.
Kinasuhan ang 2 nurse at 1 doktor mula sa dalawang ospital ng paglabag sa Republic Act 10932, o Anti-Hospital Deposit Law.(Jocelyn Domenden)