Advertisers
UMAPELA si Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Health na gamitin ang extension ng state of emergency para makapagplano, magpatupad at palakasin ang kanilang effort laban sa COVID-19 at iba pang banta sa kalusugan partikular sa disease surveillance at contact tracing.
Ito ay makaraang suportahan ni Go, chairman ng Senate committee on health ang extension ng state of calamity sa Pilipinas para masiguro ang pagpapatuloy ng pagsisikap na mapigil ang mas pagkalat ng COVID-19 pandemic.
Kasunod ito ng pagpapalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Proclamation No. 1021 na nagpapalawig sa state of calamity mula September 13, 2020 hanggang September 12, 2021.
Ipinaliwanag ni Go na habang patuloy ang banta ng COVID-19 sa health at safety ng publiko, importanteng manatiling vigilant at nakapokus sa pagpigil sa mas malaking outbreak at maging ang pagtugon sa pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.
Umapela rin si Go sa mga concerned government agencies na gamitin ang pagkakataon para ma-review ang kanilang effort sa paglaban sa virus, re-evaluate ang kanilang kapasidad, pag-aralan ang mga leksyon na dulot ng pandemya at ikonsidera ang mga bagong legislative solutions na magpapahanda sa publiko sa mga posibleng health emergencies sa mga susunod na panahon.
Binigyang-diin ni Go na malaking bahagi ng laban sa COVID-19 ang contact tracing at targeted testing kaya muli niyang iginiit ang pagpasa sa Senate Bill no. 1528 na kanyang isinulong para maamyendahan ang Republic Act 11332 o mas kilalang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Inaatasan ng panukala ang DOH na bumuo ng guidelines para sa systematic reporting at recording ng mga notifiable diseases at iba pang mahahalagang development sa larangan ng kalusugan na makakaapekto sa publiko. (Mylene Alfonso)