Advertisers
MAHIGPIT na nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga opisyal ng baranggay na huwag magkakanlong o magtatago ng mga ‘wanted’ sa batas dahil taliwas ito sa kanyang polisiya na nag-aalok ng pabuyang salapi sa bawat maarestong pugante sa batas.
Ibinaba ni Moreno ang kanyang babala matapos na mabatid na ang isa sa suspek sa pagpaslang sa COVID marshall ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na walang probokasyong isinagawa ang krimen sa residential area ay wanted sa 16 counts ng murder.
Nagpahayag ng pakikidalamhati ang alkalde sa pamilya ng biktimang si Ronald Malonzo, 39, MTPB Traffic Marshal, at huling nanirahan sa 1955 Modesto St., Malate, Manila.
Labis na ikinalungkot ni Moreno kung paano inulila ng suspek ang pamilya ng biktima ng walang rason at ipinakita sa kanyang live broadcast ang mukha ng mga suspek na sina Benhar Mapagmahal; isang alias Arnel’at isang Musa Sangkity alias ‘Johari’. Umapela ang alkalde ng tulong sa mga netizens na tulungan ang lungsod na mahanap ang mga suspek kapalit ng pabuyang sa anumang P100,000.
Ipinakita ni Moreno ang buong insidente ng pagpapatay sa biktima sa Railroad St. cornner 12th St., Port Area, na nakunan ng CCTV sa nasabing lugar, sa kanyang live public address na ginawa noong September 18, dakong alas-9:52 ng gabi.
Kapansin-pansin aniya ang tahasang pambabalewala sa umiiral na batas, sa buhay ng biktima at sa harapan pa ng mga bata sa nasabing lugar nang barilin ng suspek ang biktima nang malapitan habang nakaupo lamang ito sa bangko at wala namang ginagawa.
“Walang pagtatalo, walang away, wala lang at all. Ginawa nilang karne, di pa nakuntento sinilip pa kung nahinga pa tapos kaswal na kaswal umalis,” pahayag ni Moreno habang ipinapakita sa video ang pangyayari.
Ang mga suspek ay nakita rin sa video na kaswal na naglakad palabas ng iskinita. Sumablay ang baril ng unang suspek kung kaya’t ang ikalawang suspek na ang tumapos nito nang barilin ang biktima.Nang bumagsak ang biktima pahiga ay muli pa itong binaril ng pangalawang suspek at sinuri pa kung patay na ito at pagkatapos ay naglakad kasama ang unang suspek patungo sa iskinita kung saan sila nanggaling habang tangan ang baril. Hindi malinaw kung ano ang papel ng ikatlong suspek.
Dismayado ang alkalde dahil wala kahit isa man sa mga opisyal ng baranggay na mayroong hurisdiksyon o maging ang mga residente sa nasabing lugar ay hindi man lamang nangiming impormahan ang mga awtoridad sa naganap at sa halip ay ang mga suspek pa ang sinabihan na umalis na dahil paparating na ang mga pulis.
Ayon kay Moreno ay may natanggap siyang impormasyon na ang isa sa mga suspek ay kaanak ng opisyal ng baranggay kaya malakas ang loob.
“Ni hindi kayo tumulong inimpormahan nyo pang tumakas dahil parating na gobyerno. Wala ring nag-report. Sa loob ng iskinita galing ang suspects. ‘Yung komunidad, bale-wala sa kanila nangyayari. Ýung mga barangay officials dun, hinahayaan nila me 16 counts na murder tapos namumuhay sa kanilang pamayanan na parang normal na tao. Pasok sa iskinita, labas ng iskinita, mamamaril, pasok ulit, tulog na. Ngayon, wala na kayong puwang sa Maynila,” sabi ni Moreno patungkol sa mga opisyal ng baranggay at miyembro ng komunidad sa nasabing lugar kung saan naganap ang krimen. (ANDI GARCIA)