Advertisers
NOONG September 14, Lunes, sumagot ang talent manager na si Ogie Diaz kay BB Gandanghari sa panlalait nito sa kanilang hitsura nina Lolit Solis at Cristy Fermin at sa umano’y may utang pa siya kay Rustom Padilla, ang dating katauhan ni BB. Ito’y matapos silang magbigay ng reaksyon sa ginawang rebelasyon ni BB na may nangyari sa kanila ni Piolo Pascual noong nasa Amerika sila.
Sa pinost na video ni Ogie, sabi niya, “E, di, ikaw na ang pinakamaganda sa amin. Kumbaga, kung apat tayong magkakapatid, kunwari ikaw ampon, di ba? Ibigay natin kay BB Gandanghari na siya ang pinakamaganda. Maganda ka, BB, ikaw pinakamaganda sa amin. Nung bumabae ka, napakaganda mo.”
Tungkol naman sa sinasabing utang niya kay Rustom, ang sabi ni Ogie, “Yung utang, utang na loob, wala akong utang na kay Rustom Padilla. Hindi ko kailangang i-dignify iyan. Kahit sinong ituro mo sa akin, sinong pinagkakautangan ko, sabihin mo sa akin.
“Kung pera man ‘yang tinutukoy mo, BB, wala akong matandaan na may utang ako kay Rustom, nung dating Rustom ka pa. Una, mas galante si Robin Padilla kesa kay Rustom Padilla (nakababatang kapatid ni BB).
“Pangalawa, mabait sa akin si Rustom Padilla, pero hindi kami ganun ka-close.”
Sa pagkakaalam din daw ni Ogie ay wala siyang atraso kay Rustom.
“Kung ang sinasabi mo utang kay Rustom ay kung may kasalanan ako kay Rustom, may atraso ako sa kanya, may nasabi akong di maganda sa kanya, tell me, kung ano yung mga ebidensiya mo, di ba? Kung may mga ebidensiya ka, tell me, di ba?
“Kaya naman, alam mo, Rustom, the burden of proof is always on the accuser, di ba?Accuser ka, nasa iyo ang burden of proof. Ngayon, maglabas ka ng pruweba na ako nga ay may utang, kasalanan, atraso kay Rustom, nung Rustom Padilla ka pa. Kung meron man at maaalala ko na, ‘Oo nga, may kasalanan ako kay Rustom,’ naku, kahit magbagong anyo ka, kay Rustom ako magso-sorry. Hindi sa iyo. Kasi binago mo ang hitsura ni Rustom.”
Sa huling bahagi ng kanyang video, nagpaliwanag si Ogie kung bakit sumagot pa siya kay BB.
“Siguro yung iba, nanibago, ‘Sana hindi na pinatulan ni Ogie.’ Hindi po, e. Pag ako pinaratangan ako na may utang ako, dun ako aaklas. Sabihin bang may utang ako kay Rustom. Pera man iyan atraso o kasalanan, patunayan mo nga kung ano nga iyon, detalyado, hindi yung sinabi mo lang. Kung ano nga ‘yon…andami mong… arte-arte mo pa. Huwag nang bumabae,” pagtatapos ni Ogie.
***
MIKO GALLARDO NA-CHALLENGE SA PAGGAWA NG BL SERIES
SA guesting ni Miko Gallardo sa show namin sa Kumu na Pito Ito…Iba Ito, ikinwento niya ang role niya sa BL series na pinagbibidahan nila ni Aki Torres, na “My Day.”
Sabi ni Miko, “Ako po rito si Sky. A hardworking culinary intern na nagtatrabaho sa isang malaking food company. Dito ko makikilala ang aking boss na si Ace (Aki) at doon na magsisimula ang kwento namin.”
Bakit niya tinanggap ang project na ito considering na it’s a BL series? Hindi ba siya nagdalawang isip?
“Why not,” sagot niya.
“Wala rin naman akong ginagawa masyado kasi pandemic and need din ng work. Nabasa ko naman ‘yung story, maganda naman at challenging.”
Ikinwento rin ni Miko ang challenges na pinagdaanan nila while taping the said series.
“Tulungan talaga kami sa set. Because of the protocols maraming restrictions at kailangan sundin kaya kakaunti lang talaga ‘yung staff sa taping. Kami mismong mga artista, tumutulong na rin. Like me may mga scenes na tumutulong na ako sa pag-i-edit at minsan nagkakamera. Tinutulungan ko na si direk para mapabilis din kami.”
Ano ‘yung pinaka-challenge sa kanya while taping “My Day?”
“We have no script. Binabato lang sa amin ‘yung flow ng story and then kami na bahala magbato ng dialogue.”
Si Miko ay nasa pangangalaga ng Mannix Carancho Artist and Talent Management na pag-aari nina Sir Mannix at Ms. Amanda Salas. Kamakailan lang ay pumirma ulit siya ng kontrata bilang endorser ng Prestige International. (Rommel Placente)