Advertisers

Advertisers

EXTENSION KAY CASCOLAN AT DANAO BILANG NCRPO CHIEF

0 359

Advertisers

MALAMANG ma-extend si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Camilo Cascolan. Pwede madugtungan o ma-extend ang kanyang termino, sa pamamagitan ng isang kautusan mula kay Pangulong Rodrigo Roa-Duterte.

Nakatakda kasi siyang magretiro sa darating na Nobyembre 10 kung kailan magiging 55 anyos na siya. Ito ang itinakdang edad ng pagreretiro para sa mga kapulisan.

Sana nga ay madugtungan pa ang kanyang termino dahil sa totoo lang, kulang ang dalawang buwan para sa sinumang uupo bilang hepe ng kahit na anong ahensiya ng gobyerno, laluna at PNP ang iyong hawak.



Mahirap din na mag-isip at maglatag ng mga plano kung alam mo na dalawang buwan ka lamang uupo sa puwesto at siguradong lahat ng mga pinaghirapan mong programa ay matatapon lang dahil siyempre, kung may kapalit ka na, magkakaroon din ito ng sariling diskarte na siya niyang ipatutupad.

Sa ilalim ng Republic Act 6975, ang isang PNP chief ay maaring mapanatili sa puwesto kung nanaisin lamang ng Pangulo ng bansa. Pupuwedeng ipa-extend ni Presidente Rodrigo Duterte ang termino ni Cascolan ng isa pang taon, kung nanaisin lamang nito. Kung tutuusin, ang edad na 55 ay masyadong bata para sa pagre-retiro dahil sa edad na ito, karamihan ay nasa rurok pa rin ng kalakasan ng katawan at talas ng pag-iisip. Maari sigurong ikonsidera ang kalusugan at kaisipan ng nireretiro kung dapat na nga ba siyang pagpahingahin dahil kung magaling siya, sayang naman.

Pabor din ako na ilagay si Brig. Gen. Vicente Danao, Jr., miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1991 bilang kapalit ni Maj. Gen.Debold Sinas para pamunuan ang National Capital Region Police Office.

Balak daw ni Cascolan italaga si Sinas bilang hepe ng Directorate for Human Resources and Doctrine Development dahil nakatakda namang mag-retiro ang kasalukuyang hepe nito na si Maj. Gen. Amador Corpus, sa darating na Oktubre 3.
Napakagandang plano nito at sana ay kanyang ituloy dahil si Danao ay siguradong magdadala ng magandang imahe para sa PNP at magagandang trabaho rin.

Bagama’t sandali lang namin siya nakasama bilang hepe ng Manila Police District, nakita ko ang kanyang dedikasyon at galing sa trabaho sa pamumuno ng tinaguriang ‘Manila’s Finest.’



Dun pa nga ito tumitira sa headquarters at ni hindi na niya halos nakikita ang kanyang pamilya dahil sa dami ng inabutang problema sa MPD.

Napuna ko rin na malaki ang paggalang sa kanya ng mga kapulisan dahil na rin sa kanyang reputasyon na pagdating sa trabaho ay hindi pupuwede ang anumang uri ng kalokohan. Ilan lang ang mga sinabi ko sa maraming dahilan kung bakit karapat-dapat si Danao bilang hepe ng NCRPO.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.