Advertisers
PATAY ang isang retiradong pulis habang sugatan ang kanyang misis nang tambangan at pagbabarilin sa Cebu City.
Kinilala ang namatay na si retired Police Inspector Edmund dela Rosa Junco, 65; habang sugatan ang kanyang misis na si Betty, 57, residente ng Talamban, Cebu City.
Sa report, naganap ang krimen nitong Martes sa Nasipit Road, Barangay Talamban.
Sakay ang mag-asawa ng kanilang puting Toyota Hilux na minamaneho ni Edmund galing sa pamilihan at pauwi na. Pagsapit sa nasabing lugar, bigla silang dinikitan ng dalawang lalaki na sakay sa Yamaha NMax at kapwa nakasuot ng full face helmet at bonnet. Ang angkas ang rumatrat kay Edmund at mabilis na tumakas.
Tinamaan si Edmund sa tiyan at leeg, habang daplis ang tama ng bala sa kanyang misis.
Sa kabila ng mga tama ni Edmund, nagawa pa niyang patakbuhin ang sasakyan subali’t nabangga niya ang dalawang motorista, kabilang ang grab driver.
Kaagad na dinala sa ospital ang mag-asawa pero nalagutan ng hininga si Edmund.
Nabatid na bago nagretiro noong 2015 si Edmund, nakatalaga ito sa Criminal Intelligence and Detection Group (CIDG7).
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.(PFT team)