Advertisers
Nasa P82.7 billion na ang na-disburse ng DSWD para sa second tranche ng Social Amelioration program hanggang nitong Miyerkules, Setyembre 16.
Ito ang ibinahagi ni DSWD Sec. Rolando Bautista sa pagharap ng ahensya sa budget briefing sa Kamara.
Katumbas aniya ito ng 97 percent accomplishment para sa labinlimang milyong target family beneficiaries.
Paliwanag naman ni DSWD Usec. Danilo Pamonag na nasa 18,000 pang pangalan ng benepisyaryo ang hinihintay na ma-upload ng mga local government units habang nasa 70,000 pa ang para sa validation.
Samantala para sa first tranche ng SAP 98.55% ng 17.9 million target family beneficiaries ang kanilang naserbisyuhan.
Katumbas ito ng 99.49 financial accomplishment para sa P100.4 billion na budget para sa subsidiya.
Sa kabuuan ayon kay Bautista, P206.6 billion ang inilaan nilang pondo para sa SAP, P197 billion ang inilabas ng DBM habang P10.6 billion ang mula sa re-aligned regular budget.
Para sa taong 2021, P171.22 billion ang ipinapanukalang pondo ng DSWD kasama na ang mga attached at supervised agencies nito.
Para naman sa kanilang mga programa, P113.8 billion ang ipinapanukala para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, P23.18 billion naman ang para sa Social Pension ng Indigent Senior Citizens at P12 billion ang para sa Protective Services for individuals and Families in Crisis Situation.
Inaapela naman ng DSWD ang natapyas na pondo sa kanilang orihinal na Capital Outlay request tulad ng kanilang ICT improvement na P1.08 billion repair para sa residential care facilities P2.3 billion at repacking ng food packs. (Henry Padilla)