Advertisers
PATAY ang dating kumandidatong Sanguniang Bayan member nang pagbabarilin sa boundary ng Barangay Durok at Barangay Buenavista, Angadanan, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Elderson Albano, 44, may asawa, residente ng Bgy. Dipaluda, Angadanan.
Ayon sa misis ng biktima na si Aireen, bago nangyari ang krimen ay nagpaalam si Elderson na bibisitahin nito ang taniman ng pakwan. Nagulat na lamang si Aireen nang ibalita sa kanyang tinambangan ang kanyang mister habang lulan ng motorsiklo ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Sinabi pa Ginang Albano na wala namang nababanggit ang kanyang mister na nakaalitan.
Aniya, bagama’t natalo nuong nakaraang halalan ang kanyang asawa, wala aniya itong planong kumandidato muli.
Pero hindi naman inaalis ng pamilya Albano na may kaugnayan sa pulitika ang isa sa dahilan ng pagpatay sa biktima.(Ace Ramales)