Advertisers
Wala umanong habag at konsensiya sina alyas CESAR at ADEL na kapwa nagpapakilalang “kolektong” ni Pasay PNP City Director Colonel Ericson Dilag.
Iniikutan umano ng dalawang ito ang mga sidewalk at ambulant vendors ng lungsod partikular na yaong nasasakupan ng District 1, Pasay.
Mula umano sa boundary ng district 2 Pasay, hanggang sa boundary ng Pasay at Maynila sa P. Ocampo Avenue (formerly Vito Cruz) at ng Makati City.
Kinondena naman ng ilang mga barangay officials ang pangongotong na ito nina CESAR at ADEL sa mga kaawa-awang vendors na pinagkalooban ng pansamantalang permiso ng mga barangay officials para makapagtinda at kumita ng pera habang may pandemya.
Marami sa mga vendors na ito ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa lockdown na dulot ng salot na covid-19 at ngayon pa lamang bumabangon ang kabuhayan.
Walang kapatawaran ang mga mali at garapal na gawaing ito ayon pa sa mga naggagalit na barangay officials.
Ang mga ganitong pangongotong sa ating mga vendors na nabibilang sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan ay gawain lamang ng mga walang konsensiya at batugang tao.
Posibleng nagagamit lamang at kinakaladkad nina alyas CESAR at ADEL ang pangalan ni Colonel Dilag na di kapani-paniwalang papatol sa ganito kagarapal na diskarte.
Hinihiling ng ilang mga barangay officials ng Pasay City kay Col. Dilag na arestuhin sina alyas CESAR at ADEL na ni-namedrop din ang pangalan ng pamilya Calixto at ilang politiko ng Lungsod.
Dapat ding turuan ng leksyon itong sina CESAR at ADEL upang di pamarisan ng iba.
Hinihikayat din ng mga barangay officials ang iba pang posibleng kinokotongan nina CESAR at ADEL na magsumbong sa mga barangay upang maidokumento ang reklamo nila laban sa dalawang kotongero.
Pwede rin umanong direktang magreklamo sa PNP Integrity Management and Enforcement Group (IMEG) sa Kampo Crame na responsable sa paghuli at pag-aresto sa mga nangongotong na miyembro ng kapulisan.
Laan umanong tulungan ng mga barangay officials ang mga kaawa-awang vendor at mga maliliit nilang kababayan na magsampa ng reklamo laban sa mga korap at scalawag policemen sa IMEG.
Napag-alaman ding isang legit na pulis Pasay si alyas ADEL na umano’y malapit kay Col. Dilag.
May kasunod… ABANGAN!
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com