Advertisers
NAHAHARAP sa mabigat na hamon ang Commission on Higher Education (CHED) na sugpuin ang mga katiwalian sa Lyceum International Maritime Academy (LIMA), Batangas City sa harap ng ulat na pinoproteksyunan ng isang matataas na opisyal ng Lyceum of the Philippines-Batangas (LYBAT) ang anomalosong dekano ng LIMA na itinuturong utak ng ibat-ibang uri ng kabalbalan sa nasabing akademya.
Tumibay ang hinala na may protektor si Dean Alexander A. Gonzales, matapos na hayagang ipagtanggol ito ng isang mataas na opisyal ng LYBAT na siyang may administrative at supervisory authority sa LIMA. Ang LIMA ay may mga silid-aralan at pasilidad sa Brgy. Wawa ng naturang Lungsod.
Hindi pa man umuusad ang pormal na imbestigasyon ay binabalewala na ng LYBAT ang sumbong na idinulog sa CHED-Region 4-A tungkol sa Fraudulent Practice in the Lyceum International Maritime Academy (LIMA) kaugnay sa ginagawang panlilinlang at pandaraya ni Gonzales sa CHED.
Hindi pa kasama sa aaksyunan ng CHED ang tungkol sa patong-patong na katiwaliang pinaggagawa ni Gonzales kaugnay sa ipinatutupad na di naman pala mandatory requirement ng CHED na na In-House Policy sa LIMA.
Sa In-House Policy sa nasabing academy, sinasabing naganap ang napakaraming anomalya ni Gonzales sa pagpapatakbo ng nasabing akademya at nasabit pa sa kanyang mga katarantaduhan ang kalaguyo o kabit nito na empleyada sa paggawa ng pagkaka-perahan mula sa mga estudyante.
Ibinulgar sa isang sulat sa CHED ang “substitution” o pagpapalit ng propesor o instructor sa LIMA tuwing may nakatakdang monitoring and inspection ang team ng CHED sa nabanggit na eskwelahan.
Hindi kwalipikadong propesor ang mga nagtuturo ng kaukulang asignatura (subject) sa naturang akademya, walang kaukulang lisensya, ngunit binibigyan ni Dean Gonzales ng teaching load pagkat mababa ang salary grade.
Inihalimbawa ng ating source ay ang isa daw 3rd Marine Officer o 3rd mate ay pinagtuturo ng Seamanship 2 at Seamanship 5 na dapat ay itinuturo ng isang management level officer tulad ng isang Master Mariner.
Ang mga subject na kinapapalooban ng simulator na mandatory namang itinuturo ng isang master mariner ay isang Junior Officer lamang tulad ng Segundo Opisyal (2nd Officer) o kaya Tersero Opisyal (Thirdmate) ang humahawak.
Ngunit kapag malapit na ang pagbisita ng CHED-MARINA Evaluation and Inspection Team ay saka lamang pinapalitan ni Gonzales ng isang lehitimong propesor na may management level training tulad ng Kapitan (master mariner) o Chief Engineer.
Kung wala namang available faculty ay kumukuha si Gonzales ng bagong propesor na hindi naman kasalukuyang nagtuturo sa akademya. Muli namang ibinabalik ang teaching assignment sa di kwalipikadong faculty pagkatapos ng evaluation and inspection ng CHED.
Dinadaya din ni Gonzales ang CHED sa pagtatalaga ng assessor sa LIMA . Ilang araw lamang bago magkarooon ng inspection ang CHED Inspection, Evaluation and Monitoring Team ay saka lamang ito magtatalaga ng isang lehitimong kapitan para mapalitaw nito na sumusunod ang LIMA sa itinatadhana ng “STCW Convention,1978 as amended” or simply the STCW Convention.
Ngunit pagkatapos ng inspeksyon ay ibabalik na lamang sa teaching assignment ang faculty na dapat sana ay humahawak ng posisyon bilang assessor ng akademya para mas mababang rate ang pasahod dito.
Karaka namang idenepensa ng isang Lyceum high-ranking official si Gonzales. Sa kanyang pag-aabo-abogaduhan sa pinoproteksyunan nitong dekano ay inakusahan nito ang nagreklamo kay Gonzales na bias at walang nalalaman sa tunay na kalakaran sa LIMA.
Sa kanyang sulat sa CHED, sinabi ng protektor ni Gonzales na binansagang natin na si alias Aleng Celia, na hindi daw muna sinuri ng nagreklamo kay Gonzales ang katotohanan kaya naging one-sided ito sa kanyang pagdulog sa CHED.
Aber nga Aleng Celia, ano naman ang depensa mo sa sinumpaang salaysay na reklamo ng mga estudyante sa paborito mong si Gonzales tulad ng mga sumusunod:
1. Pagpapatakbo ng school canteen ng dummy ng dekano kung saan nagbabayad ang mga estudyante kada araw ng mula Php 175-Php 220.
2. Pangongolekta ni Gonzales ng halagang Php 150 sa mga student cadet ng dapat ay libreng inuming tubig ng mga ito sa LIMA dormitory. May negosyong mineral water refilling station si Gonzales at doon kinukuha ang binabayarang drinking water ng mga student cadet.
3. Sinisingil din sila ng bayad sa laundry ng mga beddings na hinahakot pa ng sasakyan ng dean sa nakatakdang araw.
4. Sapilitan ding binebentahan ang mga student cadet ng t-shirt na kinukubra ng empleyadang “kulasisi o kalaguyo” ni Gonzales.
5.Nagbabayad din sa bawat community extension activities (comex) ang mga estudyante na dapat ay libre na din pagkat kasama sa binabayarang tuition fee na hindi naman sa school accounting department binabayaran at kung anu-ano pang di makatwirang kagastusan.
6. Pangungumisyon sa bayad sa pagpapagupit ng buhok mga estudyante na umaabot sa Php 28,000, kalahati nito ay naibubulsa ng naka-detailed service sa LIMA na coastguard personnel.
Pinaghahatian daw nina Gonzales at ng coast guard in detailed officer ang Php 20.00 na komisyon mula sa pobreng barbero na nagse-service sa haircut ng mga nasabing estudyante?
7. Sa oras din ng kanyang trabaho bilang dean ng naturang akademya ay may lihim na tutorial extra job pala ito. Bagama’t si Gonzales ang ka-transaksyon ng mga magulang at estudyante upang personal na magturo ng asignatura (subject) ay itinatalaga nitong magturo ang mga higher paying faculty.
Kaya sa halip na makamenos sa bayarin sa tutorial services ang mga estudyante ay lalo pang lumalaki ang kagastusan ng naturang mag-aaral.
8. May napakadelikadong bunkering services pa diumano si Gonzales. Sa oras ng kanyang trabaho bilang LIMA dean ay nagpapadeliber si Gonzales ng mga produktong petrolyo sa mga barko sa Batangas City Bay at maging hanggang sa Pola, Oriental Mindoro. Baka milyonaryo na nga si Dean Gonzales kung tunay ang sumbong na ito?
9. Pinangakuan diumano ni Gonzales ang mag-aaral at ang kanilang mga magulang na bago pa man makapagtapos sa kontrobersyal na In-House Policy ang mga student cadet sa LIMA ay alam na ng bawat isa sa mga ito kung alin ang mga kompanya ng barko ang kanilang sasampahan.
Ngunit nalaman ng mga apektadong magulang at estudyante mula sa Lyceum of Batangas management na wala naman palang barko at sasakyang dagat ang LIMA para matiyak na maisasakay ang mga nasabing estudyante.
Ano ngayon Aleng Celia, paki-esplika nga, malamang di alam ni Lyceum President Laurel ang pagtatakip mo kay Gonzales?
Mabigat na hamon sa CHED ang pagsasagawa ng malalimang pagsisiyasat para masugpo na ang anomalya sa LIMA…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com