Advertisers
INANUNSYO kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno na magiging top priority ang lahat ng vendors sa labing pitong (17) public market sa Lungsod ng Maynila sa mass testing sa pagbubukas ng panibago at ikalawang RT-PCR molecular lab sa Sta. Ana Hospital sa susunod na linggo.
Ito ang siyang direktiba ni Moreno kina Manila Health Department director Dr. Poks Pangan, Sta. Ana Hospital director Dr. Grace Padilla at Market Administrator Zenaida Mapoy.
Ang nasabing hakbang ay upang lalong matiyak na ligtas ang ating mga mamimili sa ating mga public market sa sakit na COVID-19.
Kaugnay nito ay sinabi pa ng alkalde na ang agad namang isusunod din sa mass testing gamit ang gold standard ng COVID-19 testing ang mga tsuper ng pedicab, tricycle at pampasaherong jeep, gayundin na ang mga matansero.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng tuloy-tuloy at agresibong hakbang ng pamahalaang lungsod sa pakikipagharap sa coronavirus pandemic. (Andi Garcia)