Advertisers
SA halip na face-to-face consultation sa gitna ng pandemya, inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na mayroon ng isa sa mga city-run hospital ng lungsod ang gagamit ng ‘TeleMedicine,’ kung saan libreng makakapagpakonsulta ang isang pasyente nang hindi na kailangan pang personal na pumunta ng ospital, sa ganitong paraan ay mababawasan ang tsansa na magkaroon o mahawa ng coronavirus.
Inanyayahan ni Moreno ang publiko, partikular ang mga taga-Maynila na matutunan ang TeleMedicine at kung paano mapapakinabangan ito mula sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) na pinamumunuan ng director na si Dr. Ted Martin, na naglunsad ng TeleHealth Clinic kahapon (September 14).
Ang nasabing clinic, ayon kay Moreno ay bukas mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., Lunes hanggang Biyernes.
Ang lahat ng pasyenteng interesado ay maaring i-follow ang GABMMC na official Facebook page: http://facebook.com/gabmmcofficial para sa importanteng detalye at impormasyon tungkol sa TeleMedicine at kung ano ang hakbang na dapat gawin para sa libreng consultation.
Ipinaliwanag ni Martin na ang Telemedicine ay gagamit ng telephones, cellphones, computers o electronic gadgets sa halip na tradisyunal na harapang consultation, diagnosis, treatment, management, education at follow-up care.
Idinagdag pa nito na ang Telemedicine ay gagamit din ng two-way audio at video, larawan ng pasyente, medical images, medical records at iba pang mahalagang bagay na kailangan sa konsultasyon.
Sinabi ni Martin na ang electronic system ng ospital ay gagamit ng security protocols sa network at software nito upang matiyak na mapapangalagaan ang pagkakakilanlan ng pasyente, privacy, confidentiality at corruption ng records.
Ayon pa kay Martin, sa pamamagitan ng Telemedicine ang pasyente ay magkakaroon ng medical evaluation, impression at mas maiintindihan niya ng husto ang kanyang kalagayan at magagabayan din siya kung paano harapin ito at kung anong hakbang ang susunod na gagawin, kabilang na ang prescription at gabay sa kung anong posibleng laboratory o imaging test ang kakailanganin. (Andi Garcia)