Advertisers

Advertisers

Height requirement sa sundalo at pulis? Paano naman yung godly requirement?

0 441

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ngunit sinabi… ni Yahweh, `Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh’y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh’…” (1Samuel 16:7, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
HEIGHT REQUIREMENT? PAGIGING MAKA-DIYOS ANG HANAPIN NIYO SA MGA PULIS AT SUNDALO! Ewan ko lang sa inyo ha, pero isa na namang palpak na batas, sa aking tingin, yung ginawa ng Senado na nagtatakda ng height requirement sa mga sundalo at pulis. Mga panlabas na anyo ang pinagkakaabalahan nila, samantalang ang dapat nilang tinututukan ay ang panloob na kabutihan.
Kahit ano ang height niyan, kung masama ang kaniyang puso, isip, kaluluwa, at espiritu kasi sila ay walang Diyos bunga ng hindi sila nagbabasa at hindi sumusunod sa Bibliya, magiging masama sa paglilingkod yan. Kung sa kabilang dako sila ay may Diyos, nagbabasa at sumusunod sa Bibliya, anuman ang height niyan, pakikinabangan siya ng bayan. Etong mga senador na ito, oo!
***
AND KNK: ANG DIYOS, SA KANIYANG AMA, AY DUMATING SA MUNDO SA ANYO NG ISANG SANGGOL NA LALAKI: SSDSNNJ Amen. Sa Isaias 7, makikita o mababasa doon ang ikalawang maliwanag na pagpapahayag ng Diyos, sa Kaniyang anyong Ama, na Siya, ang Ama, si Jesus. Partikular sa bersikulo 14 ng Isaias 7, makikitang ang anumang pagpapahayag doon ay pagpapahayag ng Diyos, sa Kaniyang anyong Ama.
Basahin po natin ang kabuuan ng Isaias 7:14: “Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin sa pangalang Emmanuel…”
Sa unang tingin, ang propetang si Isaias lamang ang nagsasalita dito. Pero, sa pagsasalita ni Isaias, direkta niyang sinabi na ang “Diyos” o si Yahweh mismo ang nagbibigay ng tanda, hindi siya. At maliwanag kung ano ang tanda na ibinigay ng Diyos.
Ito ay ang tanda ng isang imposibleng bagay, noon at ngayon, isang bagay na tanging ang Diyos lamang ang pupuwedeng gumawa, wala ng iba—ito ay aang paglilihi at pagsisilang ng isang sanggol na lalaki ng isang tao, o ng babae na birhen pa, o babaeng hindi pa nasisipingan o naaangkin o nagiging asawa ng lalaki.
***
Kung pag-aaralang mabuti ang tandang ito, masasabing ito nga ay isang himala, kasi papaano nga bang maglilihi at magsisilang ng isang sanggol na lalaki ang isang babaeng hindi man lamang nagagalaw pa ng sinumang lalaki. Sa totoo lang, maitutulad ito sa iba pang mga himala, o mga kagulat-gulat na bagay na ginawa ng Diyos, upang ipakita o ipakilala ng paulit-ulit na Siya ang Diyos, wala ng iba.
Gaya ito ng mga kababalaghang nauna ng ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ni Moises at ni Aaron sa hari ng Egipto, kasama na dito ang pagkakahati ng Dagat na Pula upang makatawid lamangt ang mga Israelita na noon ay tumatakas mula sa galit ng hari.
Kapansin-pansin sa pahayag ng Diyos sa Isaias 7:14 ang pagiging eksakto ng tanda—sanggol na lalaki, hindi babae, ang ipaglilihi at isisilang ng isang birhen. Sino ang sanggol na ito? Hindi na din po ito sikreto, kasi, sa Isaias 9:6, niliwanag doon na ang sanggol ay hindi tao, bagamat ipinaglihi at isinilang siya ng isang tao.
***
Ayon sa Isaias 9:6, ang sanggol ay ang “Makapangyarihang Diyos Walang Hanggang Ama”. Ang ibig sabihin nito, ang Diyos, sa Kaniyang anyong Ama, ang pupunta mismo sa daigdig na ito. Siya ang “Emmanuel”, na ang tunay na kahulugan ay kamangha-manghang tunay: ang Diyos ay nasa atin.
At sumasa-atin ang Diyos upang tayo ay maligtas mula sa mga parusang nakalaan para sa ating mga kasalanan. At gaya ng sinasabi ng Mateo 1, ang Diyos na sumasa-atin ay may Pangalan, at ito ay Jesus. Ang ibig sabihin ng “Jesus” ay “pagliligtas ng Diyos sa Kaniyang bayan.”
Sa lahat ng ito, makikita nating ipinapahayag ng Isaias 7:14 at Isaias 9:6 ang mga patotoo na ipinahayag ng Diyos sa Kaniyang anyong Ama na Siya nga Si Jesus, wala ng iba. Sa susunod na mga Kalatas mula sa Mahal na LD, makikita natin ang kaugnayan ng mga patotoo ng Ama mula Isaias sa mga patotoo na Kaniya ding ibinigay sa Bagong Tipan ng Bibliya.
Salamat Sa Diyos Sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.
***
MAKINIG, MANOOD: “Ang Tanging Daan”, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5 ng hapon (oras sa Pilipinas), Bukidnon Radyo Power FM (Valencia City at Lake Seibu, South Cotabato), 95.5 J FM (Dangkagan, Bukidnon), DXMJ 90.3 Sunshine FM (Sumilao, Bukidnon), at sa website ng AND KNK (www.andknk.ph), YouTube (Ang Tanging Daan AND KNK), Facebook pages na www.facebook.com/angtangingdaan, www.facebook.com/attybatas, at sa CATV Cable Channels, Coron, Palawan, at Calamianes Cable TV, sa Calamianes Islands.