Advertisers
Kasabay ng pagbubukas ng ika-82 Malasakit Center sa Southern Isabela Medical Center, sinabi ni Sen. Bong Go na para mapatunayang may ginagawang reporma ang pamahalaan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay dapat na tiyaking may maparurusahan o makukulong na salarin sa likod ng mga anomalya sa ahensiya.
“Bagama’t nakakalungkot po, sa nakaraang araw ay naging issue ang PhilHealth. Alam ko po na marami naman na nagtatrabaho sa PhilHealth na honest at may dedikasyon na magserbisyo sa ating mga kababayan,” ani Go.
Kaya nanawagan ang senador sa mga matitinong kawani ng ahensya na magtulungan para maibalik ang bawat sentimo na ibinabayad ng tao sa PhilHealth, lalo ngayong panahon ng pandemya.
“Hindi po katanggap-tanggap sa mga Filipino na may masasayang na pera at ayaw kong dumating sa punto na tatanggi na ang ospital dahil wala nang pera ang PhilHealth,” anang senador sa inilunsad na 82nd Malasakit Center Southern Isabela Medical Center, isang COVID-19 designated hospital sa Santiago City, Isabela.
Ito na ang ikalawang Malasakit Center sa Isabela at pangatlo sa Region 2.
Sa kanyang speech sa video call, ipinaliwanag ni Go na ang Malasakit Centers ay one-stop shops na kinaroroonan ng mga government agencies na ang programa ay magbigay ng financial at medical assistance sa mga mahihirap at indigent na pasyente.
“Lapitan ninyo lang ang Malasakit Centers para sa mga pangangailangan ninyong pangkalusugan. Para po ito sa lahat ng mga Filipino, lalo na ang mga mahihirap na nangangailangan ng tulong sa pampagamot. Sisiguraduhin natin na pagdating sa serbisyo mula sa gobyerno, sila ang ating uunahin palagi,” dagdag ni Go.
Nakiusap siya sa hospital personnel at local officials na unang bigyan ng atensyon ang mga vulnerable at ang kapakanan ng mahihirap o indigent patients.
“Ang Malasakit Center po ay walang pulitika, basta Pilipino ka, lalo na kung poor and indigent patient ka, qualified ka po sa Malasakit Center,” sabi ng senador.
“Isa lang po ang ipinagbibilin ko at pakiusap ko sa ating health workers natin diyan, sa mga doctors, administrator ng ospital, unahin po natin ‘yung mga mahihirap at mga wala pong ibang matakbuhan, ito po ‘yung panahon na hirap na hirap na sila at humihingi ng tulong. Unahin natin at palaging protektahan ang kapakanan nila,” patuloy niya.
Ang Malasakit Center ay “brainchild” ni Go na layong huwag nang mapahirapan ang mahihirap, lalo ang mga may karamdaman sa paghingi ng financial at medical assistance sa Department of Health, Department of Social Welfare and Development, PhilHealth at Philippine Charity Sweepstakes Office.
“Ngayon, mabilis na po ang proseso natin sa pagbibigay ng tulong. Hindi tulad noong unang panahon na palaboy-laboy pa sila. Hahanapin pa nila ang DSWD. Sa susunod na araw, hahanapin nila ang DOH, PhilHealth at PCSO. Ubos ‘yung panahon nila, ubos pa ‘yung pamasahe nila sa kakapila para humingi ng tulong,” aniya.
Pinasalamatan ni Sen. Go ang medical frontliners ng Southern Isabela Medical Center sa kanilang sakripisyo at malasakit ngayong may kinakaharap na krisis pangkalusugan ang bansa.
“Salamat po sa inyong pagseserbisyo sa inyong mga kababayan. Kayo po talaga ‘yung hero ngayong panahon na ‘to… Kami po ni Pangulong Duterte ay full support po dito sa inyo at sa abot po ng aming makakaya ay tutulong po kami. Ang importante po ay ‘wag natin pababayaan ang ating mga kababayan,” aniya sa medical frontliners.