Advertisers
ANO kaya ang maitatawag natin sa Php 50 na kinakaltas ng MLhuillier Kwarta Padala at Western Union Money Transfer sa mga pinakamahirap na mga mahihirap na SAP beneficiaries?
Ang MLhuillier Kwarta Padala at Western Union Money Transfer ay dalawa pa lamang sa private service provider na iniuulat na katulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maipamahagi ang ayuda ng pamahalaang Duterte sa mga nagdarahop na mamamayang apektado ng COVID-19 pandemic.
Dahil sa mga naunang akusasyong anomalya ng mga barangay at opisyales at empleyado ng DSWD sa pamimigay ng unang bugso ng SAP, tinapyasan ng pamahalaan ang mga barangay chairman ng kanilang kapangyarihan sa pamumudmod ng nasabing ayuda at inilipat naman ng DSWD sa service provider ang pamamahagi nito.
Ngunit hindi tulad sa barangay at DSWD personnel na libre ang serbisyo, kinakaltasan ng service provider ng Php 50 mula sa orihinal nilang matatanggap na salapi ang bawat kumukuha ng SAP aid.
Sinuwerte ang management ng MLhuilllier Kwarta Padala at Western Union Money Transfer pagkat hanggang kahapon ay pinipilahan ang kanilang mga tanggapan sa iba’t-ibang panig ng bansa ng mga nagngingitngit na SAP benificiaries para makolekta na ang kanilang lubhang nabalam na ayuda.
Sa mismong pinalabas na datus naman ng DSWD ay umabot na sa P82-bilyon ang cash assistance na naipamahagi ng DSWD sa 13.7 milyong benepisyaryo sa second wave o ikalawang bugso ng SAP na tinatawag ding SAP 2 hanggang noong Setyembre 2, 2020. Tiyak mas lumobo na ang bilang nito sa ngayon.
“Sa loob ng kasalukuyang buwan po matatapos ang pamimigay ng ayuda,” ang pagtiyak pa ni DSWD Under Secretary Rene Glen Paje sa isang conference noong nakaraang isang linggo. Gayunman hindi pa rin tayo makapaniwala, nabihasa na tayo sa mga hungkag at di totoong pangako ng DSWD.
Hindi naman idinetalye ni Paje kung magkano na ang pigurang napabayad sa MLhuilllier Kwarta Padala at Western Union Money Transfer sa porma ng inaawas ng mga itong service charge sa mga benipisaryo ng SAP.
Gayunman kung ang pagbabatayan ay ang 13.7 na SAP beneficiaries na posibleng nakolektahan na ng service charge ng MLhuilllier at Western Union ay tinatayang aabot na sa Php 85 milyon ang pinagsama-samang kinita ng nasabing mga service provider.
Kung ang pulso ng mga mamamayan ang masusunod, dapat lamang ay buwagin na ang DSWD, palayasin na si Secretary Rolando Bautista at maging si Paje sa kanilang pwesto bilang kalihim at opisyal ng Pangkawanggawang Tanggapan ng Pamahalaan, pagkat mistulang inutil ang mga ito sa pamamahagi ng SAP.
Hindi naman magkakaroon ng malaganap na katiwalian sa pamamahagi ng 1st tranche ng SAP kung naging masusi at maayos lamang ang pagsubaybay ng gobyerno lalo na ng tanggapan ni Bautista at maging ng Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Kung tutuusin lahat na pagsasaalang-alang ay ginagawa ng Dutertte Administration para makatipid at buong-buo na maiparating sa mga COVID-19 affected beneficiaries ang nabanggit na ayuda, ngunit nakapagtatakang mukhang naging taliwas naman ang takbo ng isip at galaw nina Bautista sa tunay na esensya ng ekonomiya at pagtitipid.
Kumontrata pa nga ang mga ito ng service provider para sa pamamahagi ng SAP na kayang-kaya namang gampanan ng DSWD personnel, at barangay officials, kaya naman sa halip ngang makatipid ang gobyerno ay pinagkitaan pa ang SAP distribution ng malalaking kapitalista sa gitna naman ng kahirapan ng mga maliliiit na mamamayan.
Hindi nga naman tunay na naramdaman ng DSWD ang epekto ng halagang Php 50 na kinakaltas sa mga dahop na SAP beneficiarfies, ngunit kapag napagsama-sama ang bawat Php 50 na kinakatkong na halaga sa mga ito ay umaabot din sa tumataginting na milyones ang paghahati-hatian ng mga nakinabang sa pagtatalaga ng service provider sa pamamahagi ng SAP.
Sino-sino ba ang mga nagtamasa mula Php 50 na kung susumahin naman ay umabot din sa nakalululang mahigit na Php 85 milyones bago pa lamang pumalo ang September 2, 2020? Tiyak na nagpipista na sa galak ang mga hudas at barabas na nakaimbento ng pagkaka-perahan na ito?
Umaangal lahat namang SAP beneficiaries sa ginagawang pagkaltas ng Php 50 mula sa kanilang orihinal na ayudang matatanggap. Kaya nga lamang ay hindi nabigyan ng national prominence at malawakang coverage ng media ang mga reklamo at pulso ng mga apektadong benepisaryo.
Maraming tanong at sagot ang kailangang malaman sa nagaganap na senaryo sa pamamahagi ng SAP. Mahalaga ring malinaw kung sino ang utak para mailipat sa service provider ang distribution ng SAP ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang ang legalidad sa pagkakontrata ng service provider sa pamamahagi ng nasabing ayuda?
Nakapagdududa talagang baka nga nagkaroon na naman ng mahika at katiwalian sa pamamahagi ng ikalawang bugso ng SAP o SAP 2!.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com