Advertisers
TIWARIK yata ang mundo ng mga kontra sa ginagawang rehabilitasyon ng Manila Bay; o basta na lang makabanat kahit hindi naiintindihan ang isyu ng paglilinis, pagpapaganda ng baybaying bahagi ng Baywalk, Roxas Boulevard sa Maynila.
E, di ba noon, itong environmental organization kuno ang noon pa ay nagwawala sa panawagang i-rehabilitate ang Manila Bay, pero sila ngayon ang talak nang talak, at kontrang-kontra sa pagtatambak at paglalambak ng buhanging mula sa dinurog na dolomite rock, na kung maiaayos, magkakaroon ng “Manila Boracay” ang Metro Manila.
Sabi nila, masisira raw ang marine life sa lugar, ganun?
Teka, matagal nang “sira” ang marine life dahil sa baho, nagtambak na basura, masyadong polluted sa latak ng langis, nabubulok na basura sa ilalim ng buhanging pagka-itim-itim na tulad ng pusali ang lugar na iyon.
Nakalalason ang mga isda, talaba, halaan at iba pang buhay-dagat na mahuhuli sa lugar na iyon sa Bay Walk; sakit sa balat, respiratory diseases ang makukuha ng maliligo sa tubig doon dahil sa taas ng concentration ng bakterya ng ebak sa tubig – na mula sa kasilyas ng mga establisimyento, mga pook komersiyal at residensiyal sa Maynila, hospital wastes at duming kemikal na itinatapon sa mga ilog at daang-tubig mula sa mga pabrika, hotel at condominium sa buong Metro Manila.
Lilinisin nga, aayusin ang lugar – may habang 500 metro at lapad na 160 metro mula sa US Embassy at Manila Yatch Club – para muling mabuhay ang marine life doon.
At di lang ngayon naisip ang proyektong ito, dear environmentalist; noon pang Enero 2019 binalak sa utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Department of the Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu.
Bakit noon ay hindi pumalag ang mga kritiko ni Tatay Digong nang okeyan ng Kongreso at Senado na pondohan ng P389-million ang ngayon ay kinokontra nyong Manila Bay rehabilitation program.
Insensitive daw ang proyekto sa panahon ng pandemya; ito raw “white sand” na ilalagay sa may Baywalk ay “evil” na sa pananalasa ng COVID-19, imbes na bigas at pagkain, o iba pang mas mahalagang bagay ang gawin, e bakit daw “buhangin” na hindi maisasaing?
E, naman, yun bang linisin ang environment, gawing malinis ang tubig ng Manila Bay at muling mabuhay ang marine life na ang mahuhuli ay pwedeng pagkain, at ang lugar ay maging sikat na tourist attraction sa Metro Manila, “insensitive” po ba ito, Vice President Maria Leonor “Leni” Gerona Robredo?
Yung tulay, underpass, ipinaayos na impraestruktura, pabahay, mga kalsadang inaayos kahit may pandemya, “evil” ba ito, Comelec Commissioner Rowena Guanzon?
Wala pa po ang pandemyang ito, inilaan na ang P398-M para sa proyektong ito kasama na ang pagtatambak ng “dolomite sand.” Itong dolomite ay may magnesium carbonite, calcium carbonite, potassium phosphorus na inihahalo sa pagkain ng mga hayop, kaya safe ito.
Sabi ng mga agriculturist, plant-friendly ang dolomite!
***
Bakit daw hindi muna linisin ang mga ilog, daang-tubig, bago gawin ang proyekto kasi, baka pagbaha, pumasok uli sa lugar ang basura, at mabahong tubig?
Sagot ni DENR Undersecretary at Spox Benny Antiporda, matagal nang pinag-aralan ng mga engineer at tunay na environmentalist ang problemang ito.
Noon pa, tuloy-tuloy na ang paglilinis ng mga ilog, estero, sabi ni Usec. Antiporda, katunayan, sa ulat ni DENR-NCR Exec. Director Jacqueline Caancan, walang tigil ang mga River Protector sa pagsusuri ng uri ng kontaminasyon ng tubig sa mga ilog, lagusang-tubig sa Metro Manila at laging may warning at parusa sa mga establisimyento at mga negosyong lumalabag sa mga batas ng DENR.
Ilang piye ang hinukay sa pasigan at inalis ang maiitim na latak ng basura, nakabaong mga bulok na langis at iba pang sediments bago nilagyan at tinambakan ng dolomite sands ang lugar – na sa kasalukuyan, nalalatagan na ng puting buhangin ang may 120 metro ng 500 metrong Manila Bay na tatawaging “Manila Boracay.”
Walang peligro sa kalusugan ang dolomites, paliwanag ni Environment Secretary Roy Cimatu, kasi, hindi ito naka-cancer na ipinangtatakot ng mga kontra sa proyekto at ng mga instant medical experts.
Ang hazardous, sabi pa ni Sec. Cimatu ay ‘yung pulbos na ang sukat ay 10 to 15 microns, pero ang durog na dolomites na itatambak sa Manila Bay ay “2,000 to 5,000 microns or 100 ulit na mas malaki sa abok.
Hindi sila lumulutang sa hangin, kaya hindi masisinghot.
O, ano namang batas ang sinasabi ng Oceana at ng mga senador, kritiko at mga artistang kontra sa proyektong ‘White Sand” beach ng “Manila Boracay?”
Nahahalata ang mga kritiko na basta lang banat nang banat, e kulang sa kaalaman at nabubulgar tuloy na shunga!
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.