Advertisers
SA mahabang panahon, itinuring ang kalsada bilang kongreso ng sambayanan. Sapagkat walang maaasahan sa Kamara de Representante at Senado, minarapat ng maraming matatapat na kababayan ang magdaos ng pagtitipon sa kalsada upang ipahayag ang kanilang hinaing at saloobin. Tinawag ang kalsada bilang “kongreso ng bayan.”
Subalit hindi sa kalsada nagtatapos ang lahat. Nang pumasok ang social media, naging bahagi ito ng impormal na kongreso. Maraming usapin ang pinag-uusapan, tinatalakay, pinagdedebatihan, at nilulutas sa social media.
Magandang halimbawa ang panukalang batas na nagtatakda ng Ferdinand Marcos Day sa Ilocos Norte, ang lalawigan ng diktador. Magaan na pumasa ang panukalang batas sa Kamara de Representante. Wala halos debate sa Kamara. Ngunit mistulang natusta ang panukalang batas sa labis na batikos sa social media. Hindi pa ito nadala sa Senado.
Maliban kay Tito Sotto, Imee, Marcos, at Grace Poe, walang senador ang lumantad na katig sa panukalang batas. Hindi na ito pinag-usapan. Makikinita na basta na lamang ito mamamatay sa kawalan ng aksyon.
Hindi basta nagwakas ang panukalang batas sa kasuklam-suklam ng Ferdinand Marcos Day. Gumanti ang mga netizen na kontra sa panukala. Itinakda nila ang ika-11 ng Septiyembre hindi bilang paggunita sa kaarawan ni Marcos. Ginawa itong “Araw ng Mandarambong,” at “Marcos Not a Hero Day.” Ganti-ganti lang, anila.
Mistulang isang bangungot ang inabot ni Kin. Precious Castelo ng Quezon City nang kastiguhin siya ng mga netizen sa kanyang panukalang batas na nagbibigay ng poder sa nakaupong pangulo ng bansa na pumili ng kanyang kahalili. Maraming masasakit na salita ang kanyang tinanggap mula sa mga kritiko.
Labag sa itinatadhana ng Saligang Batas ang panukalang batas ni Precious. Ayon sa Saligang Batas, tanging ang pangalawang pangulo ang papalit sa pangulo kapag siya ay namatay o nabalda at hindi magawa ang tungkulin ng isang presidente. Iniurong ni Precious ang kanyang panukalang batas. Patay na ito.
Bahagi rin ang lansangan sa mga kilos protesta. Nandiriyan pa rin ang kongreso ng kalsada. Ngunit nang lumabis ang trapik sa kalunsuran at sumilang ang cyberspace bilang plataporma ng nontraditional media. Nakibahagi na ang social media sa kongreso ng bayan.
Tumutugon pa rin ang lansangan sa hamon ng makabagong panahon, ngunit pumapasok ang social media bilang hanguan ng maraming kaisipan at balitaktakan. Ang kongreso ng social media ay naging bagong tipanan sa dumadaloy na himagsikan sa larangang pulitikal, pangkabuhayan, at panlipunan.
Ayon sa mga pantas, mas mabilis na natatalakay, napapag-usapan, at nadedesisyunan sa social media imbes na sa kalsada. Para sa isang demokrasya na muling pinalalakas, mahalaga na malutas ang mga usapin sa lalong madaling panahon. Tumutugon ang social media sa hamon.
Mas mabisang matalakay ang maraming usapin sa pahina ng Facebook, Twitter, Instagram, Linkedup, at iba pa. Maski ang mga kampanya sa lagda at suporta ay mabilis na umiikot sa social media.
***
MUKHANG may ang sayad si PCOO Usec Lorraine Badoy. Mataray at matulis ang dila, ngunit hindi naiintindihan ang katotohanan. Aniya, magbibitiw siya sa kanyang posisyon kung kokondenahin ng anim na mambabatas ng Makabayan Bloc ang paggamit ng dahas sa pulitika.
Hindi alam ni Badoy na kasama ang pagwaksi sa armadong pakikibaka at mga grupong nagbibigay buhay at sumusuporta dito sa kanilang sinumpaang tungkulin. Nang sabihin ng mga mambabatas na itinataguyod at ipagtatanggol ang Saligang Batas, malinaw na iwinawaksi nila ang armadong pakikibaka.
Mangmang si Badoy. Hindi niya nauunawaan ang diwa ng sinumpaang tungkulin bilang halal ng bayan. Hindi niya nauunawaan na ang bawat lingkod-bayan ay may kontratang panlipunan (social contract) sa mga mamamayan na kanilang pinamumunuan.
Ngayon, nakabitin ang budget ng PCOO sa Kamara. Hindi ibinigay ang budget dahil sa kabobohan ng isang tao. Walang magawa si Martin Andanar kundi itatwa si Badoy at sabihin ng hayagan ng kahit ano pa ang sabihin ni Badoy, hindi opisyal na pahayag ang mga ito ng PCOO. Sa maikli, harapang itinakwil si Badoy na sariling amo.
Ano ang aral? Hindi puede ang taray at tulis ng diwa sa proseso. Dapat kasama ang tulis ng diwa. Dapat may alam. Hindi puede iwasiwas ang kamangmangan at kabobohan sa mga maseselang usapin tulad ng budget ng kanilang tanggapan. Walang nalulutas ang tulis ng dila na walang kasamang tulis sa diwa.
***
QUOTE UNQUOTE: “It would be inappropriate to honor a tyrant and thief.”- Kiko Pangilinan sa panukalang Ferdinand Marcos Day sa Ilocos Norte
“In a presidential system like ours, the President is both the head of state and government. As head of state, the President is expected to embody the country’s aspirations, dreams, and ideals. He represents the country’s best qualities. As head of government, he leads the country to attain those aspirations. He attends to its day-to-day operations. As head of state and government, the President assumes the moral high ground. He can’t be the neighborhood toughie, who threatens his subjects. He is the father of the nation, who encourages his subjects to bring out the best in them and contribute to nation-building. When he does the opposite, he ceases to be the head of state and government. He’s melting down, as one netizen puts it.” – PL, netizen