Advertisers
MATINDI ang dapo ng pandemya sa mga obrero ng Okada Manila dahil sa lagnat, ubo at hirap huminga sa paghahanap ng kanilang pangulo na si Takeshi Oya na hindi nila mahagilap. Parang dumidistansya ito sa kanila o talagang siya’y kusang nag-social distancing upang hindi mailapit ng obrero ang sakit na ginagawa ng management sa unyon.
Noong Mayo, nag-abiso ang Okada Management na magkakaroon ng retrenchment sa hanay ng obrero. At noong Hunyo naman, nagsimula na ang baklasan ng obrero. Patuloy itong nangyayari hanggang sa kasalukuyan.
Walang makitang dahilan ang unyon upang hindi sila harapin ng kanilang management dahil kinikila naman ang kanilang presensiya kung saan may naganap na ring eleksyon kung sino ang hahaharap sa management kung may isyung dapat ayusin.
Alam din dapat ni Oya kung sino ang haharap sa kanya dahil malinaw kung sino ang sinuportahang unyon ng management noong nakaraang halalang-unyon. Ang pandemya ba ang dahilan ng mga ito o sadyang kinakati lamang sila sa unyon na itinayo ng mga obrero upang proteksyonan ang kanilang sariling hanay?
Silipin natin ang kinita ng Okada Manila sa loob ng dalawang taon na operasyon. Kumita ito ng P27.22 bilyon noong 2018 at P39.79 bilyon naman noong 2019. Ang ganitong pigura ang kadalasang nagsasaad kung gaano kahusay ang mga obrerong magpasok ng ganitong halaga.
Walang narinig na negatibo ang mga obrero kay Mr. Oya at sinuportahan pa nito ang eleksyon noong Febuary 2019, para sa pagkilala ng unyon sa Okada Manila. Nagpasok at sumuporta sa isang management ng unyon, na tinalo ng kasalukuyang unyon, ang ngayo’y pinamumunuan ni Gonzalo Almirez.
Sa pagpasok ng pandemya, naging mailap si Mr. Oya sa mga obrero; nang bigyang utos ng PAGCOR ang Okada na pansamantalang itigil nito ang operasyon, tumalima ito. Sa kabila ng lahat, hindi pa rin siya naging maka-obrero sa galaw at kilos na taliwas sa inaasahan ng unyon.
Sumulat ang Okada-KMM-Katipunan sa management upang ipaabot na ibig nilang pag-usapan ang maaaring gawin sa panahon ng pandemya at kung paano maiiwasan ang baklasan, ngunit walang nangyaring pagkikita at itinuloy pa rin ang sibakan.
Sa pagtaya ng unyon, mahigit 1,600 na obrero na ang sinibak, kahit walang IRR kung paano ipatutupad ang sibakan. Dahil sa kawalan ng nakasulat na panuntunan sa baklasan, ang naging tanging panuntunan ay kung sino na lamang ang maiibigang tanggalin agad ng management. Walang buntis o ano pa man ang may kinalagyan.
Hindi na rin sinusunod ang seniority, o yung last-in, first-out. Basta’t nakursunadahan ka ng management, tanggal kung tanggal. Ang masama pa nito: Inuunang sibakin ang mga kasapi ng unyon, lalo na ang mga opisyales nito na siyang tumalo sa management union.
Ano ito? Bawian? Ang tanong dito: May abiso ba sa DOLE hinggil sa naganap na baklasan? Sinang-ayunan ba ito ng DOLE at nasaan na ang mabilis na si Sec. Bello?
Ang pagkilala ng Okada Management sa unyon ng mga obrero at ang sibakan na nagaganap ay isang malinaw na ‘di pagsunod sa kautusan ng DOLE (kung mayroon) sa pagkakaroon ng dialogue sa dalawang panig-ang uyon at management.
Dahil trabaho o hanapbuhay ang nakasalang, pag-uusap ang naging pinakamahalagang bagay o paraan. Sa pagtatasa, ang baklasan ay malinaw na pagsuway ng management at kung saan nakipagmatigasan pa sa unyon ang kanilang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng ‘di makataong baklasan ng mga obrero ngayong panahon ng pandemya.
Sa kaganapan, madalas na nasa una ang paglabag sa mga karapantan ng obrero at remedy na lamang ang habol. At sa paghahabol, wala nagiging kongkreto at positibong resulta sa hanay ng unyon o mga obrero; pero baka mayroon sa mga taga DOLE.
Nariyan na ang sakit at titiisin na naman ng mga obrerong nagbigay ng limpak-limpak na pera sa mga kapitalista. Ito ba ang kanilang ginaganapan sa kanilang buhay?
Huwag naman po Sec. Bello. Kung may puso ka para sa obrero, tutukan mo ito upang maging iba ka sa pamahalaang ito.
Tulad ng nasa ibabaw, dumudulog ang Okada-KMM-Katipunan sa makatarungang pagpapasya sa kalihim ng paggawa na pasukan ang usaping ito.
Naniniwala ang isang libo at anim daang obrero (1,600), na mangingibabaw ang katarungan sa usaping ito. Maibabalik ang lahat ng obrerong tinanggal at muling makapag-uusap.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com