Advertisers
NAGPASALAMAT si Manila Mayor Isko Moreno kay President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu dahil tuluyan ng winakasan ang palagiang suliranin ng maruming tubig na kinakaharap ng Manila Bay.
Ayon kay Moreno, naglagay na ng water quality monitoring machine sa Manila Bay beach area upang regular na ma-check at ma-monitor ang kalinisan ng tubig dito.
Ang nasabi ring makina ay gagamitin sa pag-monitor ng tubig sa Pasig River at Baseco dahil ilalagay din ito sa bunganga ng mga nasabing katubigan.
“World record na ata tayo sa pagtatapon ng basura sa mga ilog… flying colors sa pagdudumi,” malungkot na pahayag ni Moreno, sabay na muling nakiusap sa publiko na tigilan na ang pagtatapon ng basura sa mga baybayin at ilog.
Binalikan ni Moreno ang lumang commercial na nagsasabing, ‘ang basurang itinapon mo, babalik sa ‘yo,’ at sinabi na ganito talaga ang mangyayari sa atin dahil ang mga basurang basta na lang natin itinatapon sa kung saan-saan ay babalik sa atin sa pamamagitan ng baha dahil sa mga baradong kanal, imburnal, sewers, drainage at iba pang daluyan ng tubig.
Base sa impormasyong nakarating kay Moreno ay nakapaglagay na ang DENR ng water quality monitoring machine may dalawang kilometro ang layo sa Manila Bay beach area.
Ipinaliwanag ni Moreno na ang nasabing makina ay malaking tulong sa hinaharap dahil malalaman ng publiko kung ang mga ginagawang hakbang sa Manila Bay ay epektibo.
“Darating ang oras, malalaman mo, effective ba ang ginagawa? Nao-audit mo, di lang puro kiyaw-kiyaw,” ayon pa sa alkalde.
Binigyang diin ng alkalde na ang buong proyekto ay hindi magiging matagumpay kung hindi rin gagampanan at makikipagtulungan ang publiko, tulad ng palagiang paglilinis at pagpapanatili ng kalinisan ng Manila Bay. (ANDI GARCIA)