Advertisers
Itinutulak ng House Committee on Appropriations na maibalik ang inalis na P42 Billion na pondo sa Department of Agriculture (DA) para sa 2021.
Sa budget presentation ng DA sa Kamara, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na nagkaroon ng 8% o P6.4 Billion na pagtaas sa proposed 2021 budget ng ahensya na P86.3 Billion kumpara sa P79.9 Billion na pondo sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act.
Pero umapela si Ang Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat na ibalik ang P42 Billion na tinapyas ng Department of Budget and Management (DBM) sa original na 2021 budget proposal ng DA.
Iginiit ng kongresista na kung dadagdagan ang pondo ng DA ay hindi na muling mangangamba ang bansa sa suplay ng pagkain.
Kabilang sa mga plano ng DA sa susunod na taon ay maitaas ang food security at resiliency ng bansa at matulungan din ang mga magsasaka at mga mangingisdang apektado ng COVID-19 pandemic.
Pagtitiyak pa ng kalihim na nananatiling stable ang presyo ng bigas ngayon sa merkado sa kabila ng pandemya.
Katunayan, ngayon aniya ay nasa 86% na rice sufficiency ang bansa ngunit kailangan pang maitaas.
Dahil naman nagbigay ng tulong ang gobyerno ay maiaangat sa 7% sa katapusan ng taon ang rice sufficieny sa bansa kung kaya’t tiwala ang kalihim na sapat ang suplay ng bigas at mananatiling stable ang presyo nito. (Henry Padilla)