Advertisers

Advertisers

MUNTI LGU PINAIGTING ANG MGA HAKBANG VS. COVID-19

0 356

Advertisers

MUKHANG malayo pa ang lalakbayin ng laban ng mundo kontra COVID-19.

Kaya nararapat lamang na ipagpatuloy ng mamamayan ang nakasanayan nang pag-iingat para makaiwas sa virus.

Hindi dapat bumalik sa dating nakasanayan na hindi nagsusuot ng face mask, kumpol-kumpol sa isang lugar, hindi naghuhugas ng kamay at kung anu-ano pang hindi magandang gawain na nagdudulot ng pagkakasakit.



Ganyan kasi ang nangyari sa isang residential compound na matatagpuan sa industrial complex sa Brgy. Tunasan, Muntinlupa kaya kumalat daw ang coronavirus.

Bunga nito, inilagay ng lokal na pamahalaan ng Munti sa ilalim ng Extreme Localized Community Quarantine (ELCQ) ang RMT 7A Compound.

Pahayag ni Mayor Jaime Fresnedi, epektibo ang 15-araw na ELCQ sa compound simula alas-12:00 ng tanghali nitong September 9 hanggang alas-12:00 ng tanghali sa September 24.

Iniulat kasi ni City Health Officer Dra. Tet Tuliao na 11 na ang kumpirmadong COVID-19 cases sa nabanggit na compound, maliban sa limang probable, at limang suspect cases.

Kasalukuyan nang nasa isolation at treatment facilities ng lungsod ang mga nagpositibo sa virus.



Isa sa mga nakikitang dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar ay ang mga paglabag daw sa health protocols kung saan mayroon din itong high-risk population tulad ng mga bata, buntis, persons with disability (PWDs) o may mga kapansanan, at mga senior citizens.

Tinatayang mayroong pitong pamilya ang nakatira sa compound na katumbas ng 24 na indibidwal habang may mga nag-o-operate dito na 57 na kompanya na mayroong mahigit 1,000 na empleyado.

Sa totoo lang, marami tayong natutunan mula nang manalasa ang COVID-19 kung saan una na riyan ang tamang kalinisan.

Tuloy-tuloy nating itakwil ang hindi magandang nakagawian gaya nang pagdura, pagdumi sa kung saan-saan at iba pang posibleng sanhi nang pagkalat ng virus.

Pag-uwi ng bahay naliligo agad at nilalabhan ang suot na damit habang hindi na rin ipinapasok sa loob ng bahay ang suot na sapatos para hindi makapasok sakaling may dala itong virus.

Aba’y maigi pong ipagpatuloy ang mga nakasanayang ginagawa natin.

Dapat nating sanayin ang ating mga sarili sa mga gawaing ito.

Magiging bahagi na talaga ng buhay ito.

Kapag nakaugalian na natin ang ganyan, aba’y hindi na tayo magugulat o matataranta sakaling may mas matindi pang sakit na manalasa.

Magiging handa ang lahat.

Sa kabilang banda, dapat ding apurahin ng mga kinauukulan ang pagbili o pagtuklas ng bakuna at gamot laban sa COVID-19 para kaligtasan ng sangkatauhan.

***

HAPPY READING nga pala kay BRGY. POBLACION CHAIRMAN ALLEN AMPAYA at sa lahat ng mga opisyal ng barangay, kabilang na si DEPUTY CHIEF TANOD POL BERNABE, at siyempre sa mga masisipag ding miyembro ng BRGY. POLICE na nangangasiwa at nangangalaga sa katahimikan at kaayusan ng buong barangay. Mabuhay po kayo at God bless!

***

PARA sa inyong mga reaksyon, liham, suhestiyon at reklamo, maaari n’yo po akong i-text sa 09299507599, i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-message sa aking Facebook account at FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe din po ang aking Youtube channel at i-search lang po ang aking pangalan doon sa nasabing platform. Maraming salamat po!