Advertisers
Sunod-sunod na naman ang huli ng Bureau of Customs-NAIA sa ilalim ng pamumuno ng masipag na lady shooter na si BOC-NAIA District Collector Mimel Talusan at batay na rin sa kautusan ng kanilang hepe na si Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero.
Kelan lang ay ipinakondena niya ang 52 cartons o may 260 kilograms ng expired na glutathione products sa Trece Martires, Cavite. Napaka-delikado kung ang mga panis na glutathione na ito ay nakalusot at nagamit sa publiko, kaya talaga namang dapat nating pasalamatan ang pagiging alerto ng mga tauhan ni Talusan.
“Glutathione products are strong antioxidant which recently become the most popular systemic skin lightening molecule. Based on a study, when a glutathione product is taken beyond the expiration date, the consumer may not reap the same benefit from registered and unexpired pills,” paliwanag ni Talusan.
‘Yung mga nasabing produkto na kinondena ay bahagi lang pala ng kabuuang 16.03 tons ng iba’t-ibang iligal, forfeited at smuggled products na sinira rin ng BOC-NAIA sa araw na ‘yun.
Bago niyan, hindi rin nakalusot sa mga alertong tauhan ng BOC-NAIA ang isang marijuana shipment na idineklara bilang mga laruan.
Naaresto rin ang ‘claimant’ o kumukuha ng nasabing shipment sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Task Force.
Sa ginawang controlled delivery operations, naaresto ang nasabing claimant ng may 500 grams ng high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P808,000 sa isang warehouse sa Pasay City.
Ang shipment na kinukuha sana ng suspect na si Kevin Dela Cruz ay dineklarang “4m kids labs remote control detector robot kit” at nai-ship ng “Toynk Toys” mula Markham, Canada. Kaso, nung dumaan ang nasabing package sa x-ray scanning, napuna ng X-ray Inspection Project (XIP-NAIA) ang mga imahe ng ‘dangerous drugs.’
Sa pagsisiyasat ng NAIA-Customs examiner ng 100 percent physical examination, ang nasabing shipment ay naglalaman pala ng high-grade marijuana. Kumpirmado ito sa mga pagsusuri na ginawa ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) at PDEA.
Malaking hamon sa BOC-NAIA ang mga nagpapalusot ng kung ano-anong iligal lalo na at nalalapit na ang Kapaskuhan gayundin ang mga nagpapanggap na taga-Customs.
Nagpakalat na rin ang BOC-NAIA ng mga ‘fliers’ na naglalaman ng mga tamang hakbang para sa mga magki-claim at magpapa-release ng parcels mula sa Central Mail Exchange Center (CMEC).
Kasama na rin ang babala na huwag magpaloko sa mga magpapanggap na kaya nilang magpalabas ng mga package o parcel kapalit ng iba’t-ibang halaga.
Tila kasi naging tradisyon na sa mga iligalista ang subukang magpalusot ng kung ano-anong kontrabanda tuwing nalalapit ang Kapaskuhan, o kaya ay magpanggap na taga-BOC kaya naman handa rin diyan ang mga tauhan ni Talusan.
Hindi hadlang ang pandemya sa grupo ni Talusan para ituloy ang pagiging alerto at masipag.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.