Advertisers
FIRST line of defense natin laban sa nakamamatay na COVID-19 ang lahat ng ating healthcare and essential workers – ang mga nars at doktor natin.
Pero ang ating protektor, ang ating tagapagtanggol sa ating kalusugan at kaligtasan laban sa pandemyang COVID-19, nabibigyan ba ng gobyerno ng sapat na kalinga at pangangalaga?
Walang malinaw na plano ang Department of Health (DoH), at ang kapabayaang ito, ano ang katwiran ni Health Secretary Francisco Duque III?
Finger pointing siya expert: umabot na sa kulang o higit sa 6,932 medical worker ang nagpositibo sa severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2), sabi ng DoH.
Ito ang virus ng COVID-19, na latest report, 40 na ang namatay sa sakit na ito.
Nagkakasakit sila, kasi, overworked na, underpaid pa, kulang pa sa mga gamit pamproteksiyon; at may report, na ang gamit na face mask, face shield at personal protective equipment na libre, pinababayaran sa mga nars at sa mga pasyente, tinamaan ng lintek, pu@#&^?!
***
Nang sitahin ito ni Presidente Rodrigo Roa Duterte kung bakit hindi agad ibinibigay ang financial help sa mga namatay na narses at doktor, imbes na mag-resign sa matinding kahihiyan, ang sinisi ay ang mga tauhan sa DoH.
Bistado na ang pandarambong sa daan-daan bilyong pisong pondo ng PhilHealth, patay malisya at tanging ang naging sagot ni Duque e kasi, marami raw siyang trabaho laban sa COVID-19.
Kundi mo kaya ang trabaho mo, dapat nag-resign ka na bilang chairman ng “FailHealth” at sa DoH, ang kapal ng balat, so manhid ng mukha.
Umano, si Duque rin ang itinuturong nagpayo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na suspindihin ang deployment sa abroad ng mga nars, doktor at iba pang medical workers, kasi daw kailangan ito ng “national health care system” ngayong pandemyang COVID-19.
Pero ang tingin natin, kaya lumalala ang pandemya, kasi tuliro, hilo at walang alam na gawin si Duque kung paano lalabanan ang Covid-19.
Kundi pa nag-ingay ang mga health workers at mga COVID-19 volunteers, hindi pa ibibigay ni Duque ang daily allowance na P500.
Hanggang ngayon bingi pa rin si Duque sa pakiusap na tuluyang i-hire at bigyan ng tamang pasahod, security of tenure at mga benepisyo.
***
Kulang na sa sahod, api pa sa pagrespeto ang mga nurses at health workers natin.
May mga balita pang pinalalayas sa mga inuupahang bahay at nadi-discriminate ang mga health workers na minalas magka-COVID-19, at ano ang tulong na ginawa ng DoH sa kanila: wala lang, nganga lang ang sagot ng DoH.
Pinakamababa ang sahod ng mga nars natin kumpara sa kapwa bansa sa Asia tulad ng Vietnam, Malaysia, Thailand, Singapore, Hong Kong, at Indonesia.
Malaki na ang sahod na P40,380 kada buwan ng isang nars sa Pinas.
Sa Vietnam, P63,232 ang pasahod sa nars; sa Hong Kong, P274,811 kada buwan; sa Singapore, P236,427 ang pasahod sa mga nars, P96,849 kada buwan ang sahod ng nars sa Malaysia; sa Thailand, P82,547; at P78,759 kada buwan sa Indonesia.
Sa laki ng diperensiya ng sahod, paanong hindi iiyak sa inis at galit ang mga nars natin at may dahilang magwala sila na layasan ang Pilipinas at sa abroad magtrabaho.
***
Dumaan at umalis na sa puwesto sina Fidel Ramos, Joseph “Erap” Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo at Benigno “Noynoy” Aquino III, luha ang natamo ng mga narses natin na sagot sa kanilang hinaing.
Sa liit ng sahod ng mga health worker, makatwirang magkandarapa sa abroad ang mga narses at medical technologists natin.
May iba na mas piniling mag-sales lady o mag-driver o mag-iba ng trabaho kaysa maging lisensiyadong nars dahil, “sahod-alipin” ang pasahod sa ating mga narses.
Naiwan na sila sa sahod gayong ang trabaho nila ay peligroso; tagapunas ng pwet; tagapaligo, tagakuha ng ihi, plema, dugo, tae at iba pang trabaho, api-apihan natin sila at hindi mabigyang dangal ang ating modern-day heroes.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.