Advertisers
Nagmistulang terminal ng mga tricycle na di-motor, padyak at mga e-trike ang kahabaan ng Blumentrit partikular na sa Blumentrit market sa Sta. Cruz, Manila.
Bagama’t walang masyadong nagdaraang mga sasakyan tulad ng mga pampasaherong dyip, kotse at sasakyang apat ang gulong, waring kapansin-pansin naman ang mga tricycle, padyak at ilan mga e-trike na nakabalagbag sa nasabing kalye.
Maluwag sa trapiko ang Blumentrit na halos pwede kang maglaro ng patintero at tumbang preso sa buong araw at magdamag.
Ang tanging pangitain lamang na masakit sa mata ay ang pila ng mga tricycle na makikita sa bawat kanto na animo’y legal at kampante ang mga tsuper na nag-aabang ng mga pasahero na karamiha’y mga namimili sa Blumentrit market.
Hindi naman sa pagiging judgemental ngunit maitatanong mo sa iyong sarili kung bakit parang mga kabute na lamang itong nagsulputan gayong napakahigpit ng disiplinang pinapatupad ng mga pulis at barangay.
Kung noong mga nakalipas na araw, ang mga tricycle na ito ay hindi nakakapasok sa mismong kalye ng Blumentrit. Wala silang ibang opsyon kundi maghintay at mag-antabay ng mga pasahero sa takdang lugar tulad ng Rizal ave. at ilang side street.
Ang mga tsuper nito ay walang ibang alternatibo kundi ang iwanan ang kanilang mga tricycle sa takdang mga lugar, lakarin ang Blumentrit na kung saan nila iimbitahin ang kanilang prospek na pasahero na nais sumakay ng tricycle.
Kagulat-gulat ang situwasyon ngayon na kung saan ang mga pasahero na ang nagpupunta sa kanilang terminal upang sumakay, mukhang may gimik at magic na nangyari, di po ba?
Ang mabigat po dito sa situwasyon na ito ay halos ilang bloke o kanto lang ang layo ng Blumentrit police detachment mula sa kabi-kabilang tricycle terminal. Ang mga pulis sa nasabing detachment ay kilala sa kanilang kalupitan lalo na sa ordinansa nilang pinapatupad. Sa una at simula lang pala ito, ningas kugon, hehehe.
Ayon sa ating mga napagtanungan, ang mga ito raw ay binigyan ng basbas at blessing ng ilan tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MPTB) at pulisya na nakakasakop ng nasabing lugar tsk tsk tsk.
Para rin daw itong mga vendor na kinukunan ng tara araw-araw para maka-puwesto at makapaghanapbuhay ng walang abala at bulabog. Ayos na rin naman daw ang ganitong kalakaran para sa mga tricycle driver basta’t tuloy-tuloy lang ang pasada.
Matic at natural lang ang kumita ng pera sa araw-araw basta ilalagay lang sa lugar, magkaroon ng limitasyon at hangganan, disiplina sa simpleng salita.
IMBESTIGASYON HINGGIL SA KATIWALIAN SA PHILWEALTH ESTE PHILHEALTH PALA, TAPOS NA RAW….
Tapos na raw ang ginawang imbestigasyon ng binuong task force hinggil sa katiwaliang naganap sa Philwealth este PhilHealth nga pala na kung saan bilyon piso ang nawala sa mismong kaban ng naturang institusyon. PhilHealth is wealth nga naman ayon sa kasabihan.
Aprubado na raw ng senado ang kinalabasan ng imbestigasyon na pinangunahan ng senate committee as a whole na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin alam ng mamamayang Pilipino kung ano at kung sino ang mga nasa likod nito.
Mukhang dramatic at suspense to the max ang gagawing pagsisiwalat ng task force kumbaga sa pelikula. Buhay pa rin ang bida na kilala nating lahat hanggang sa kahuli-hulihang sandali, bida na salarin pa hehehe.
Sa kabila ng walang kamatayang batikos na ginawa ng kung sino-sinong tao, nananatili pa rin sa kanyang puwesto ang bidang salarin na sinasabing boss of all bosses o capo de tuti capi ng mafia.
Wala tayong ibang tinutukoy dito kundi si Department of Health Secretary Francisco Duque na hindi natin malaman ang agimat at mahikang pinanghahawakan at ganon na lamang ang lakas kay Pangulong Digong Duterte.
Mantakin niyong hindi na naman tinanggap ang resignation nito ng ating Pangulo sa kadahilanang wrong timing pa raw dahil sa nakikipaglaban pa raw ang bayan laban sa covid-19, mukhang nasa kanya yata ang solusyon hehehe.
Eh hanggang kailan kaya masusugpo ang virus na ito? Sana naman ay masugpo na rin ang kamandag ni sekretaryo.
Pero masyadong nakakabahala dahil baka hanggang sa matapos ang pelikula ay lumabas pa itong bayani, di po malayong mangyari ito, di po ba?