Advertisers

Advertisers

BAGONG ‘BASECO ESPLANADE’, BUBULAGA NA SA MADLA – ISKO

0 392

Advertisers

MALAPIT ng bumulaga sa madla ang bagong “Baseco Esplanade” kapag natapos na ang tuloy-tuloy na total make over sa dating tinawag na “Basura Beach” sa Maynila.

Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na ang dating baybayin na puno ng basura sa Baseco ay malinis na ngayon at hindi na masakit sa matang tingnan, gayundin ang coastal area nito.



“Tulong-tulong po ang Department of Public Services (DPS) Baseco Beach Warriors, Metropolitan Manila Development Authority at Department of Environment and Natural Resources sa cleaning operations. Hindi po tayo matatapos dito.Tuloy-tuloy lang ang ating pagkilos hanggang sa makamit natin ang isang maunlad, maganda at panatag na Maynila. Soon, we will develop the new Baseco Esplanade,” paniniyak ni Moreno sa residente ng Baseco.

Nabatid na nilagyan na rin ng lampposts ang baywalk area para maging maliwanag sa gabi at maging ligtas ang mga namamasyal sa bisinidad ng Baseco beach.

Nalaman na inatasan ni Moreno si city engineer Armand Andres at city electrician Engr. Randy Sadac para i-recycle ang mga lamppost na tinanggal sa kahabaan ng España Boulevard sa Sampaloc.

“Ayoko pong sayangin ang pera niyong pinambili dito. May value pa naman po, sayang kung itatapon lang. Kaya po ini-atas ko na ayusin ang mga nasabing mga poste ng ilaw,” ayon kay Moreno.

Nabatid na ang lugar ng Baseco ay daungan ng National Shipyards and Steel Corp. noong 1960’s.



Ang NASSCO ay binili ng Romualdez family sa pamamagitan ng Bataan Shipping and Engineering Co. kung saan nagmula ang pangalang Baseco.

Noong 1980’s, ang Baseco ay naging barangay at tinirhan ng mga informal settlers hanggang dumagsa ang malaking bilang ng tao sa lugar na nagsipagtayo ng mga barung-barong kahit sa bundok ng basura.

Bago ang isinagawang reclamation ng kahabaan ng Roxas Boulevard, ito ay isang beach kasama na rin ang Baseco, pero ang natira lamang ay ang lugar ng Baseco na kung saan ay ibinabalik at pinapaganda na ng lokal na pamahalaan ng Maynila. (Andi Garcia)