Advertisers
PRIBADO at publikong sementeryo, memorial parks at columbaries ay ipasasara ni Manila Mayor Isko Moreno mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3 upang makaiwas sa COVID-19.
Sa kanyang Facebook Live broadcast, inianunsiyo ni Moreno na nilagdaan na niya ang Executive Order No. 38 na nag-aatas na pansamantalang ipasara ang mga pasilidad, alinsunod sa General Community Quarantine (GCQ) protocols sa panahon ng Undas.
Sa ilalim ng EO ni Moreno, tanging ang paglilibing at cremation services ang pinapayagan pero dapat ay istriktong susundin ang social distancing.
Nabatid na sa Manila North Cemetery ay may 105,837 puntod,at tinatayang may 1.5 milyon ang pupunta para mabisita ang puntod ng kanilang mahal sa buhay, habang sa Manila South Cemetery na may 39,228 puntod ay tinatayang bibisitahin ng may 800,000 katao sa Undas.
Humihingi naman ng pang-unawa si Moreno sa publiko sa kanyang desisyon dahil nahaharap pa ang bansa sa pandemya.
“Kaya ko po ito ginagawa ngayon, para mabigyan kayo ng sapat na panahon ng humigit kumulang dalawang buwan na mabisita ang inyong mga mahal sa buhay na nahimlay sa mga pribado at pampublikong sementeryo,” ayon kay Moreno.
“Patawarin niyo po ako kung sakaling masasaktan ko ang inyong damdamin na hindi makita ang inyong mga mahal sa buhay sa partikular na panahon na iyon. Inagapan namin na makabisita po kayo sa panahon ngayon,” dagdag pa ni Moreno.
Sinabi ni Moreno na nakahanda niyang bawiin ang kanyang executive order kung babaguhin ng national government ang ipjnatutupad na public health protocols bago mag-Undas.
Gayunman, kung mananatili sa GCQ ang lahat ng public at private cemetery ay pansamantalang ipapasara sa panahon ng Undas.
“Tayo po ay nasa GCQ. Ibig sabihin, may mga panahon, mga araw, oras na hindi natin kailangan magsiksikan, magpahirapan sa pila, na mabisita ang mga mahal sa buhay sa kani-kanilang mga pribadong sementeryo o kolumbaryo, o sa mga pampublikong sementeryo,” ani Moreno.
“Hinihingi ko po ang inyong pang-unawa. Ito na rin ay para sa inyong kaligtasan,” giit pa ng alkalde.
Inatasan ni Moreno ang Manila Police District, local government’s cemeteries, Manila Health Department, Manila Disaster Risk Reduction and Management Office at ang Department of Public Services na tiyakin na magiging maayos ang implementasyon ng kanyang EO. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)