Advertisers
INIHAYAG ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na mahigpit nang ipatutupad ang No Home Quarantine Policy upang mapigilan ang pagkalat ng covid-19.
Ayon kay Año, binabalangkas na ng DILG at Department of Health (DOH) ang polisiya na dapat mahiwalay ang covid patients, mayaman man o mahirap.
Inaasahang mabubuo ang joint resolution na ipapaapruba naman sa Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Sa bagong polisiya, hindi na papayagan ang home quarantine kahit na may sarili pang kwarto at banyo dahil hindi umano maiwasan ang pagkahawa sa mga miyembro ng pamilya.
Ang mga may kaya sa buhay ay maaring manatili sa mga hotels na ginawang quarantine facility habang ang mga walang kakayahang magbayad ay dadalhin sa mga designated quarantine facilities.
Gayunman, may ilan exemptions ang papayagan para makapag- home quarantine subalit kailangan muna itong inspeksyunin ng DOH teams.
Magugunitang pinayagan ng DOH ang home quarantine sa mga covid patients kung may sarili silang kwarto at banyo at walang kasama na mga bata at matatanda sa bahay. (Jonah Mallari/Josephine Patricio)