Advertisers
INUULAN ng malulupet na batikos ang pamunuan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ruy Cimatu dahil sa P349-million dolomite sand project nila sa Baywalk sa Roxas Boulevard, Manila, malapit sa US Embassy.
Puna ng mga kritiko, masasayang lang ang napakalaking halagang pagbuhos ng makintab na dolomite sand sa 500 square meters na dalampasigan sa Baywalk dahil aanurin lang daw ito ng alon at matatambakan lang ng tone-toneladang basura pagdating ng panahon ng amihan at bagyo.
Kung bakit daw sa panahon pa ng pandemya itinaon ang proyekto gayung mas kailangan ngayon ng maraming mahihirap nating kababayan ang makakain matapos mawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa mahigpit na community quarantine kontra covid ‘19.
Dapat daw ang P349m na ibinubuhos ngayon sa baywalk ay ipinambili nalang ng gadgets para sa online learning ng mga mahihirap na mag-aaral.
Na itong dolomite sand daw ay delikado sa kalusugan, nakakabulag kapag pumasok ito sa mata at masama ang epekto sa baga kapag nalanghap.
Well, sa paliwanag ng tagapagsalita ng DENR na si Usec. Benny Antiporda, kung ating susuriin ay tama siya. Bago nila ilatag ang nasabing proyekto ay pinag-aralan itong mabuti ng kanilang engineers. Hindi raw ito basta maaanod ng malalakas na alon at hindi rin ito matatabunan ng basura dahil may inilatag silang mga harang para hindi anurin sa erya ang mga basura kahit sa panahon ng bagyo at amihan.
Ang pagpapaganda sa maliit na bahagi ng dalampasigan sa Baywalk ay last year pa nabigyan ng pondo, wala pa ang pesteng covid ‘19. Ito’y prinograma para maging pasyalan ng mga nagre-relax sa umaga, hapon at gabi lalo ng Manilenyo.
Atat na atat na nga si Yorme Isko Moreno na matapos ang “little paradise” na ito ng DENR para raw lalong dumami ang turistang mamamasyal sa baywalk.
Ang Department of Education ay mayroong P17 billion pondo para sa gadgets ng mga titser at pag-reprint ng modules ng mga mag-aaral sa online learning, so bakit mo naman gagalawin ang pondo ng DENR na para sa programa ng DENR?
Sabi ni Usec. Antiporda, malaking pondo na ng DENR ang naiambag nila para sa pandemya. Kaya tapos na sila rito. Ang mga programa naman nila ang kanilang dapat tapusin. Tama!
Tungkol sa sinasabing nakabubulag ang dolomite sand, ito’y kung nasa proseso palang… yung dinudurog palang ng makina, kungsaan ang alikabok nito ay maaring pumasok sa mata at malanghap sa paghinga.
Ang dolomite sand na ibinubuhos ngayon sa dalampasigan ng baywalk ay buhangin na, hindi alikabok, hindi na kayang liparin ng hangin, at pag nabasa ito ng tubig ay dumidikit ito sa lupa. Mismo!
Kaya maige siguro na hayaan muna nating matapos ng DENR ang ginagawa nilang “paraiso” sa dalampasigan ng baywalk bago natin husgahan…
Kilala naman natin si Sec. Cimatu, hindi ito basta nagtatrabaho ng depektibo. Tulad ng ginawa niyang paglilinis sa Boracay at maging sa pagkontrol niya sa pagkalat ng covid ‘19 sa Cebu City.
Tungkol sa sinasabing overpriced ng 55 percent ang dolomite sand na galing sa Cebu, well… nandiyan ang Commission on Audit (CoA) para bumisisi sa mga nagastos na ito ng DENR. Okey?
Pasyal nalang tayo sa baywalk…