Advertisers
UPANG tuluyan nang mapahupa o magtuloy-tuloy ang ‘flatten the curve’ ng COVID-19 pandemic sa bansa, hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na mamahagi ng libreng face mask sa pampublikong lugar, partikular sa mga palengke na madalas puntahan ng mga tao.
Ikinagagalak ni Sen. Go ang ulat na humuhupa o “pumapatag” na ang kaso ng COVID-19 dahil sa pagsunod ng sambayanang Filipino sa mga ipinatutupad na health and safety protocols.
Nanawagan din si Go sa mga kinauukulan na ipagpatuloy ang estriktong pagpapatupad ng kinakailangang health and safety protocols, lalo sa mga pampublikong lugar, gayundin sa publiko na huwag munang magpakakampante hanggang wala pang lumalabas na bakuna laban sa virus.
“I urge concerned agencies to strictly enforce necessary health and safety protocols, especially in public places. Gustuhin man natin bumalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao, unahin dapat natin ang kapakanan at buhay ng mga ordinaryong Pilipino,” ani Go.
At para aniya mapatupad ang mahigpit na implementasyon ng health protocols, gaya ng pagsusuot ng mask, nakiusap si Go sa pamahalaan na magbigay ng libreng face masks sa mga lugar na palagiang tinutungo ng mga tao.
“Let’s be more proactive in implementing a stricter mask wearing policy. Kung walang mask ang tao, bigyan natin. Lalo na sa mga lugar na madalas puntahan,” iginiit ni Go.
“Ang mga public markets natin ay isa sa mga lugar kung saan madalas bisitahin ng mga tao. Dito rin nabubuhay ang lokal na ekonomiya ng mga komunidad. Habang sinusubukan nating maiahon ang kabuhayan ng mga tao, patuloy rin nating protektahan sila mula sa sakit,” anang senador.
Hiniling niya sa mga concerned agencies na pangunahan ang pamimigay ng libreng face mask sa mga hindi kayang makabili.
Sa pamamagitan nito, matutulungan ang mga lokal na gumagawa nito sa kanilang negosyo.
“Wearing masks can save lives. Buying locally made masks can also provide jobs. Magtulungan po tayo upang makabangon tayo muli mula sa krisis na ito,” ayon sa senador.
“Huwag tayo maging kampante, hindi pa tapos ang laban. Mas paigtingin pa natin ang pag-implementa ng health and safety protocols para tuluyang maitigil na ang pagkalat ng COVID-19,” ani Go na nagsabing hindi rin dapat itigil ang mga community quarantine measures dahil malaking tulong ito sa paglaban sa COVID-19.
Matatandaang sinabi ni Dr. Guido David ng University of the Philippines OCTA Research Team na ang curve ng COVID-19 infections, partikular sa Metro Manila at CALABARZON ay pumapatag na. (PFT Team)